MANILA, Philippines – Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na napatunayang epektibo ang National Simultaneous Earthquake Drills (NSED) sa bansa matapos makita kung paano tumugon ang mga estudyante at guro sa Mindanao noong 7.8 magnitude na lindol sa Sarangani at karatig lugar noong Hunyo 8.
Ayon kay OCD Administrator Undersecretary Harold Cabreros, nakita sa mga kumalat na video na mabilis na naisagawa ng mga paaralan ang tamang “duck, cover, and hold” habang lumilindol. Aniya, “Nakita natin sa mga kumalat na video matapos ang lindol sa Mindanao kung paano tumugon ang mga mag-aaral at guro sa mga paaralan. Bagamat natural na magkaroon ng takot o pangamba sa ganoong sitwasyon, malinaw na nakita rin natin sa pagtugon na ‘yon ang kahalagahan ng regular na earthquake drills.”
Dagdag pa niya, “Sa gitna ng kaguluhan, naalala nila ang mga pangunahing hakbang na dapat gawin sa oras ng lindol –mga kaalamang paulit-ulit nating itinuturo sa pamamagitan ng NSED.”
Ginawa ang pahayag sa pagsasagawa ng 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) nitong Huwebes, na layuning patatagin ang kahandaan ng publiko sa lindol.
Ayon sa OCD, mahalaga ang patuloy na pagsasanay dahil maaaring tumama ang lindol kahit saan at anumang oras. Hinikayat din ng ahensya ang publiko na huwag maging kampante at gawing bahagi ng araw-araw na buhay ang disaster preparedness.
Sinang-ayunan ito ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na nagsabing inatasan ang mga pulis sa buong bansa na aktibong makibahagi sa drill para sa mabilis at maayos na pagtugon sa totoong lindol.
Aniya, “This is a life-saving drill and on the part of the PNP, we want to go beyond by coming up with measures for quick and coordinated response to assist as many of our kababayan.”
Idinaos ang NSED katuwang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya sa panahon ng sakuna.
Ayon sa OCD, ang drill ay nakabatay sa scenario ng malakas na lindol mula sa West Valley Fault na may Philvocs Earthquake Intensity Scale (PEIS) na VIII. RNT/MND