TULUYAN nang natapos ang tinatawag na “numbers game” sa Senado. Sa paglipat ni Sen. Joel Villanueva sa kampo ni Sen. Win Gatchalian, naging malinaw ang magiging resulta ng labanan para sa liderato ng mataas na kapulungan. Sa bilang na 13 senador na sumuporta sa kanya, si Sen. Win na ang bagong Senate President. Exit si Sen. Alan Peter Cayetano.
Ngunit gaya ng inaasahan, hindi lamang bilang ng boto ang pinag-uusapan ng publiko. Mas malaki ang tanong na bumabalot ngayon sa Senado: Deal o No Deal?
Marami ang nagsususpetsa na ang paglipat nina Sen. Chiz Escudero at Sen. Joel Villanueva ay hindi basta usapin ng pulitika kundi usapin ng kaligtasan. May mga nagsasabing may “DEAL” umano upang hindi sila masampahan ng plunder at maiwasan ang posibilidad na makulong o masuspinde. Totoo man o hindi ang mga alegasyong ito, tanging ang mga taong sangkot lamang ang tunay na nakaaalam.
Ngunit hindi rin maikakaila na maraming mamamayan ang nagtatanong kung bakit tila nagbago ang ihip ng hangin. Kung noon ay may mga usap-usapan at mga pahayag hinggil sa posibilidad ng pagsasampa ng mabibigat na kaso ng Office of the Ombudsman laban sa ilang personalidad. Pero bakit tila nawala ang mga ito sa radar ni Ombudsman Boying Remulla?
Samantala, ang itinuturing ng ilan na “The Bad One” na si Sen. Jinggoy Estrada ay patuloy na humaharap sa mga kaso at naging simbolo ng isang pulitikong tumangging makipagkompromiso.
Sa mata ng kanilang mga kritiko, mas mabuti na raw kina Sen. Chiz at Sen. Joel ang matawag na “Hudas” kaysa makita ang sarili sa likod ng rehas. Kaya naman hindi maiwasang idugtong ng ilan ang kanilang naging boto sa usapin ng impeachment ni Vice President Sara Duterte bilang bahagi umano ng isang mas malawak na kasunduang pulitikal.
Muli, wala pang matibay na ebidensiya upang patunayan ang mga hinalang ito. Ngunit sa pulitika, mahalaga ang persepsyon. At kapag ang mga pangyayari ay tila nagkakabit-kabit, natural lamang na magtanong ang publiko.
Sa ngayon, isang bagay ang malinaw. Ang pinakamalaking nanalo sa pagkakahalal ni Sen. Win Gatchalian bilang Senate President ay ang Malacañang. Matapos ang mahabang maniobrahan, nabuo na ang lideratong nais nito sa Senado.
At gaya ng sinasabi ng ilan sa mga bulwagan ng kapangyarihan:
“The President’s Senate is now called to order.”






