LUMILITAW yata ang pagbabalik ng kasaysayan na uubusin sa pwesto ang lahat ng kontra sa nakaupong Pangulo ng bansa.
Noong panahon ni Pangulong Manong Ferdie Marcos, inubos ang mga senador na kritiko niya.
Dinaan ito sa deklarasyon ng ‘Martial Law’ base sa umano’y “an actual insurrection and rebellion.”
May mga ibinilanggo gaya nina Senators Benigno Aquino Jr., Jose Diokno, Francisco Rodrigo at Ramon Mitra Jr.
Nakapagtago naman sina Jovito Salonga, Raul Manglapus, Gerardo Roxas, Ambrosio Padilla.
Bumaligtad naman sa panig ni Marcos sina Arturo Tolentino and Gil Puyat.
Naganap lahat ito habang nalusaw na rin ang Senado sa bisa ng martial law sa ilalim ng Proclamation 1081 na pinirmahan ni Marcos noong Setyembre 21, 1972 ngunit inilantad lang noong Setyembre 23, 1972 para maaresto nang maaga ang kanyang mga kritiko.
Sa panahong ito, nariyan ang pagtingin o paniniwala na muling umiiral ang pag-ubos nga sa mga kritiko ni Pangulong Bongbong Marcos.
Nariyan ang paggamit ng mga kasong kaugnay sa International Criminal Court na si dating Pang. Digong Duterte ang unang biktima.
At ngayo’y isinunod si Sen. Bato dela Rosa na gustong ibiyahe rin sa The Hague na roon ikinulong si Duterte at may pahaging na isasama na rin si Sen. Bong Go.
Ito namang si Sen. Jinggoy Estrada ay nakakulong na habang sa mga pahayag mismo ni Sen. Rodante Marcoleta ay maaaring susunod na ring ipakulong.
Gaya ng nangyari noong martial law na pagbaligtad nina Sen. Tolentino at Puyat, bumaligtad naman ngayon sina Sen. Chiz Escudero at Sen. Joel Villanueva para hindi matulad kay Jinggoy.
Noong martial law, malinaw ang layuning may gustong manatili sa pwesto at kasunod na ang matinding nakawan sa kaban ng bayan.
Ito rin ba ang mga dahilan, kasama ang pagtatakip sa kikbakan ng P1.3-P1.7 trilyon, ng pagkontrol o pagsibak sa mga senador ngayon?






