HINDI lamang simpleng alitan sa pamumuno ang nangyari kamakailan sa Senado.
Ang Senado ay nasubok kung ang kapangyarihan ay nakakamit pa rin sa pamamagitan ng paninindigan at batas.
O kung ito ay nadidiktahan ng panggigipit at mga usaping legal kung sino ang dapat mamahala.
Sinasabing bahagi lang ng pulitika ang lipatan ng alyansa hanggang sa mabuo ang bagong mayorya sa Senado.
Ngunit maraming Pilipino ang hindi kumbinsido.
Marami ang naniniwala na ginipit at tinakot lang ang ilang miyembro para bumaligtad at sumapi sa kabilang panig.
Nagsimula ang paghina ng pangkat ni Sen. Alan Peter Cayetano kay Senador Bato dela Rosa, na nasasangkot sa kaso sa International Criminal Court.
Dahil sa kinahaharap na kaso sa ICC, napilitan si Dela Rosa na ituon ang kanyang pansin sa pagtatanggol sa sarili sa halip na ipagpatuloy ang pagsali sa labanan sa Senado.
Sumunod si Senador Jinggoy Estrada na naharap din sa mga usaping ligal na lalong nagpahina sa kanilang hanay.
Nang maglaon, lumabas ang mga ulat ng imbestigasyon kina Senador Chiz Escudero at Joel Villanueva.
Wala pa silang hatol na pagkakasala, ngunit sa pulitika, mahalaga ang pananaw at panganib. May banta kasi sa kanila na sila rin ay posibleng maharap sa mga kasong plunder at graft. Natural, ang kasunod nito ay pag-aresto.
Sa huli, lumipat ang dalawa sa grupo ni Sen. Win Gatchalian. Maaaring sarili nila itong desisyon ngunit may karapatan ang publiko na magtanong.
Ang mga pangyayaring ito ay naganap sa gitna ng mga usapin tungkol sa pandarambong sa pondo ng bayan, pananagutan, at pagkontrol sa mga saksi at mga imbestigasyon ng Senado.
Ayon sa mga tagasuporta ni Cayetano, hindi lang ito tungkol sa liderato kundi sa kung sinong makakokontrol ng mga impormasyong aabot sa taumbayan.
Maaaring igiit ng grupo ni Gatchalian na lehitimo ang kanilang pagkaluklok, ngunit ang tunay na hamon ay ang kanilang kredibilidad at pagtitiwala ng publiko.
Sa demokrasya, hindi lang palaging dami ng boto ang mahalaga—kundi kung paano at anong kalagayan ito nakamit.
Nangangailangan ang pagiging tunay na lehitimo ng tiwala ng publiko.
Nangangailangan ng pagtiyak sa mamamayan na ang mga desisyong pulitikal ay malaya at malinis na isinagawa – – hindi sa ilalim ng mga pangyayaring tila isinagawa sa matinding panggigipit.