MANILA, Philippines — Nag-utos ang Department of Agriculture (DA) ng mas mahigpit na rice sampling at testing matapos matuklasan ang posibleng maling paglalagay ng label sa ilang bigas na ibinebenta sa mga pangunahing pamilihan sa bansa.
Inilabas ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kautusan kasunod ng paunang ulat ng Bureau of Plant Industry (BPI) na nakakita ng mga hindi pagkakatugma sa pinagmulan at klasipikasyon ng ilang rice samples mula sa Quezon City at Cagayan de Oro City.
“We need further testing and validation to ensure consumers are not being shortchanged by unscrupulous rice traders,” ani Tiu Laurel.
Sinuri ng BPI ang anim na sample ng milled rice mula sa Commonwealth Market sa Quezon City at Cogon Market sa Cagayan de Oro City gamit ang Philippine National Standard para sa rice grading, classification, at origin profiling.
Sa anim na sample, tatlo ang tumugma sa kanilang idineklarang lokal na pinagmulan. Gayunman, isang sample na nakalabel bilang lokal na bigas ang nagpakita ng mga katangiang mas kahalintulad ng imported rice, na nagdulot ng pangamba sa posibleng substitution, misrepresentation, o relabeling sa supply chain.
Samantala, tama namang natukoy bilang imported rice ang dalawang sample mula sa Commonwealth Market at naklasipika bilang Premium at Grade 1.
Ayon sa BPI, ipinakikita ng mga natuklasan ang posibilidad na may ilang negosyante na nire-repackage o nilalagyan ng maling label ang mas murang imported rice upang maibenta bilang mas mahal na lokal na bigas.
Dahil dito, inirekomenda ng ahensya ang mas mahigpit na traceability checks, beripikasyon ng mga deklarasyon sa pinagmulan ng bigas, at mas maigting na pagpapatupad ng mga pamantayan sa rice grading at labeling upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa mapanlinlang na kalakalan. Santi Celario