MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pakikiramay ang Embahada ng Pilipinas sa Doha sa Qatar matapos ang pagsabog sa isang liquefied natural gas (LNG) facility sa Ras Laffan industrial complex na ikinasawi ng 13 katao at ikinasugat ng marami pang iba.
Sa inilabas na pahayag nitong Martes, nagpahayag ng pakikiramay ang embahada sa mga biktima at kanilang mga pamilya.
“The Embassy of the Republic of the Philippines in the State of Qatar conveys its condolences and sympathies to those affected by the Ras Laffan incident on 21 June 2026 that claimed the lives of 13 individuals and left others injured,” ayon sa embahada.
“Our thoughts are with the families who are grieving the untimely loss of their loved ones, and we wish a swift and full recovery to those who were injured,” dagdag nito.
Ayon sa mga awtoridad ng Qatar, isang “technical malfunction” ang sanhi ng pagsabog noong Hunyo 21 at wala umanong palatandaan ng anumang hostile action.
Batay sa pinakahuling ulat, 13 katao ang nasawi habang 66 naman ang nasugatan sa insidente.
Sinabi ni Foreign Affairs spokesperson Analyn Ratonel na walang Pilipinong naiulat na nasaktan sa pagsabog.
Pinayuhan din ng Embahada ng Pilipinas ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong sa Qatar na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa Doha. Dave Baluyot