Home HOME BANNER STORY PNP pabor na ibaba sa 12 taong gulang ang edad ng criminal...

PNP pabor na ibaba sa 12 taong gulang ang edad ng criminal liability

4
0

MANILA, Philippines – Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panukalang ibaba mula 15 patungong 12 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility kasunod ng tumitinding usapin hinggil sa pagkakasangkot ng mga menor de edad sa krimen.

Sa isang Palace briefing nitong Martes, sinabi ni PNP spokesperson Col. Allen Rae Co na pabor ang organisasyon sa panukala dahil sa pagdami ng mga batang nasasangkot sa mga kaso ng paglabag sa batas.

“The PNP is supporting the lowering of the age of criminal responsibility,” ani Co. “We are thinking 12 years old.”

Ayon kay Co, patuloy pa ring susuriin ng mga awtoridad kung kumilos nang may discernment ang isang menor de edad bago matukoy ang pananagutan nito sa batas.

Inilarawan naman ng Malacañang bilang makatwiran ang naturang panukala.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na pag-aaralang mabuti ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang anumang panukalang mag-aamyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act.

Dagdag niya, susuportahan ng Pangulo ang mga pagbabago sa batas kung makatutulong ang mga ito sa pagpapatupad ng batas habang pinangangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan.

Binanggit din ni Castro ang mga pangamba sa pagpapatupad ng kasalukuyang intervention mechanisms dahil maaaring may ilang menor de edad na naniniwalang hindi sila maaaring managot sa kanilang mga iligal na gawain.

Muling naging sentro ng usapin ang batas matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na kinasangkutan ng dalawang suspek na edad 14 at 15. Tatlo ang nasawi habang 20 iba pa ang nasugatan sa insidente. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here