Home HOME BANNER STORY Pangilinan, tutol sa pagpapababa ng edad ng criminal liability

Pangilinan, tutol sa pagpapababa ng edad ng criminal liability

1
0

MANILA, Philippines – Tutol si Senator Francis Pangilinan sa panibagong panawagang ibaba ang minimum age of criminal responsibility kasunod ng madugong pamamaril sa Tacloban City, iginiit na hindi nito matutugunan ang ugat ng krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Sa isang Facebook Live discussion kasama si Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) Executive Director Tricia Clare Oco nitong Martes, sinabi ni Pangilinan na mas mahalagang palakasin ang pagpapatupad ng umiiral na batas at mga support system para sa mga kabataan.

“Rather than amend the law, it’s to strengthen the enforcement of the law,” ani Pangilinan.

Sang-ayon si Oco at sinabing ang mga suliranin sa pamilya, peer pressure, kahirapan at kalagayan ng komunidad ang ilan sa pangunahing nagtutulak sa mga kabataan upang masangkot sa krimen.

“Ang causes talaga, yung drivers ng violence, hindi yun dahil alam ng bata yung batas. Dapat tingnan din natin talaga yung real causes kung bakit nila ginagawa ito kasi it’s not about the minimum age,” aniya.

Muling umigting ang usapin tungkol sa Juvenile Justice and Welfare Act matapos ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa.

Ayon kay Oco, marami nang positibong resulta ang naidulot ng restorative justice framework ng batas at nakatulong ito upang makapagbagong-buhay ang mga kabataang nagkamali.

“Marami po tayong success stories, sir, ng mga bata na napariwara sila, hindi ganito yung krimen na nagawa nila. At dahil sa batas, ngayon ang ayos na ng buhay nila,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Pangilinan na maaari pa ring managot ang mga menor de edad na sangkot sa mabibigat na krimen sa ilalim ng umiiral na batas depende sa kanilang edad at antas ng discernment.

Samantala, sinuportahan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang mga panukalang higpitan ang access ng mga bata sa social media at repasuhin ang Juvenile Justice and Welfare Act kasunod ng insidente sa Tacloban. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here