MANILA, Philippines – Nais ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III na personal na dumalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa status conference sa Setyembre 7 kaugnay ng kinahaharap nitong kasong crimes against humanity.
Sa ikalawang status conference nitong Martes, sinabi ni Presiding Judge Joanna Korner na pinayagan lamang si Duterte na hindi dumalo sa pagdinig noong Hunyo 23 dahil inaasahang maikli lamang ito. Kinatawan siya ng kanyang abogado na si Peter Haynes.
“I’d rather feel the one on the 7th of September—because by then we’ll have had the reports—is likely to be an important one. And for that, certainly, Mr. Haynes, we would expect Mr. Duterte to be here, unless there’s some medical issue,” ani Korner.
Ayon sa hukom, inaasahang maisusumite ng panel of experts na susuri kay Duterte ang kanilang ulat bago ang Agosto 18, habang hanggang Agosto 31 naman ang pagsusumite ng mga obserbasyon ng mga partido sa kaso.
Tinalakay rin sa pagdinig ang mga protocol sa paghawak ng kumpidensyal na impormasyon at muling pinaalalahanan ang mga abogado na huwag magbigay ng komento tungkol sa kaso sa labas ng korte.
“The appropriate forum for counsel to raise matters is in the courtroom. Trials are not conducted by the court of public opinion, but by this court during the course of the proceedings,” ani Korner.
Nagbabala rin siya na bukod sa malaking atensyon ng media, ang kaso ay “provoked suppliers of what is undoubtedly fake news.”
Nakatakda ang susunod na status conference sa Hulyo 14, kasunod ang mga pagdinig sa Setyembre 7, Oktubre 13 at Nobyembre 2 bago ang pagsisimula ng paglilitis sa Nobyembre 30. Dave Baluyot