MANILA, Philippines — Wala pang pinal na desisyon ang Senado kung maghahalal ito ng hiwalay na presiding officer para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian nitong Miyerkules.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Gatchalian na malinaw sa Rules of Procedure on Impeachment Trials na ang Senate President ang nagsisilbing presiding officer sa mga impeachment proceeding maliban kung ang Pangulo ang nililitis.
“Under our rules, ang presiding officer ng impeachment other than the President is the Senate President,” ani Gatchalian.
Gayunman, sinabi niyang maaari pa ring pag-usapan ng Senado ang pagtatalaga ng ibang senador bilang presiding officer kung ito ang magiging pasya ng mayorya.
“Tayo ang tumatayong presiding officer ng impeachment pero doon din sa rules, kung ang tingin ng Senado ay dapat mag-appoint ng iba, puwede rin ’yun pag-usapan,” dagdag niya.
Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ni Senador Panfilo Lacson na nagkaroon umano ng paunang kasunduan ang Senate majority bloc na italaga si Senador Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court.
Nilinaw naman ni Gatchalian na wala pang pormal na talakayan ukol dito at kasalukuyan pa nilang pinag-aaralan ang Articles of Impeachment, pati na ang mga ebidensya at testigong iniharap ng prosekusyon at depensa.
Nakabinbin din ang Senate Resolution No. 430 na naglalayong amyendahan ang kasalukuyang patakaran upang payagan ang Senado na maghalal ng presiding officer sa pamamagitan ng boto ng mayorya ng mga presenteng miyembro.
Nahaharap si Duterte sa mga reklamong culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang matataas na krimen. Nagtipon ang Senado bilang impeachment court noong Mayo 18, habang pormal na nagsimula ang pre-trial conference noong Hunyo 18. RNT