Home HOME BANNER STORY 15 taon gugugulin sa rehab ng P14-anyos na suspek sa Tacloban shooting

15 taon gugugulin sa rehab ng P14-anyos na suspek sa Tacloban shooting

3
0

MANILA, Philippines – Maaaring abutin ng ilang taon ang rehabilitasyon ng 14-anyos na suspek sa madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, habang sumasailalim naman sa hiwalay na legal na proseso ang 15-anyos na suspek upang matukoy kung maaari itong managot sa ilalim ng batas, ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.

Sa panayam sa Balitanghali nitong Miyerkules, sinabi ni Gatchalian na nasa kustodiya na ng pamahalaan ang dalawang menor de edad matapos ang insidente noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa.

Kasalukuyang nasa Rehabilitation Center for the Youth ang 14-anyos na suspek kung saan isinasailalim ito sa assessment at paghahanda ng pangmatagalang intervention plan ng mga social worker.

“Well, nasa Rehabilitation Center for the Youth natin sila. Right now, well ’yung below 15 years old, kasi dalawa sila ’no, magkaiba ’yung age bracket. ’Yung 14-year-old, may mga interventions ’yan kaagad.”

“The social workers, based on the intake assessment, will come up with an intervention plan. And that intervention plan is not something that will happen quickly; it will take a long time,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin niya na hindi agad matatapos ang rehabilitasyon ng menor de edad.

“Sisiguraduhin natin na mare-rehabilitate bago natin pagpasyahan anong gagawin sa kaniya pero it will take years, it will take years.”

Samantala, sinabi ni Gatchalian na dadaan sa legal proceedings ang 15-anyos na suspek upang matukoy kung kumilos ito nang may discernment, isang mahalagang batayan sa paglalapat ng criminal liability sa ilalim ng batas.

“Ngayon ’yung lagpas 15 years old, ’yung 15-year-old na ilang araw ang nilagpas, ’yun ’yung ngayon dadaan sa legal proceedings para ma-check kung meron ’yang discernment.”

Ayon sa kalihim, maaari itong maharap sa kasong kriminal kung mapatutunayang may discernment ito nang maganap ang insidente.

Tiniyak din ni Gatchalian sa mga pamilya ng mga biktima na mananatili sa pasilidad ng pamahalaan ang mga suspek at hindi agad makababalik sa kanilang komunidad.

“Hindi na ’yan babalik sa komunidad nila, not in the immediate future,” aniya.

Dagdag pa niya, bagama’t rehabilitasyon ang pangunahing layunin ng programa, maaari pa ring makulong ang menor de edad kapag umabot na sa wastong gulang kung mabibigong magbago o ma-rehabilitate.

“Kapag hindi namin ma-rehabilitate at sabihin ng mga social worker, hindi nagbago, pagdating na ng age of maturity, ikukulong rin siya.”

Samantala, nagdeploy na rin ang DSWD ng mga social worker at psychosocial support services upang tulungan ang mga pamilya ng mga biktima, mga estudyante, guro, at iba pang naapektuhan ng trahedya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here