MANILA, Philippines – Mahigit 60 porsiyento ang posibilidad na lumakas pa ang kasalukuyang El Niño at maging isang “super” El Niño sa huling bahagi ng 2026, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa isang climate forum, sinabi ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solid na batay sa climate models, may 69 porsiyentong tsansa na maging malakas ang El Niño sa Agosto hanggang Oktubre at 62 porsiyentong posibilidad na maging very strong o “super” El Niño pagsapit ng huling quarter ng taon.
“So parang nakikita natin na andito yung possible peak ng El Niño… up to first quarter of 2027,” ani Solid.
Idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng El Niño noong Hunyo 9 at inaasahang magtatagal ito hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Inaasahan ng ahensya ang near-normal rainfall mula Hulyo hanggang Setyembre, ngunit posibleng makaranas ng above-normal rainfall ang ilang bahagi ng Northern at Central Luzon. Pagsapit ng Oktubre, inaasahang bababa ang dami ng ulan, at posibleng umabot sa mahigit 60 porsiyento ang kakulangan ng pag-ulan sa Luzon sa Nobyembre at Disyembre.
Pagsapit ng katapusan ng Nobyembre, 45 lalawigan ang maaaring makaranas ng dry conditions, habang dry spell naman ang posibleng maranasan sa Laguna, Batangas, Marinduque, Camarines Sur at Albay. Sa Disyembre, maaaring umabot sa 51 lalawigan ang makaranas ng dry spell at 30 pa ang posibleng magkaroon ng dry conditions.
Inaasahan din ng PAGASA ang siyam hanggang 13 tropical cyclone sa loob ng Philippine Area of Responsibility sa ikalawang kalahati ng 2026, bagaman mas kakaunti ang inaasahang mabubuo sa huling quarter ng taon.
“Mas maraming typhoon at super typhoon category during the latter part of the year,” ani Solid.
Nilinaw niyang layunin ng babala na mahikayat ang publiko na maghanda.
“Hindi po namin kayo tinatakot but eto po ‘yung mga possible or potential na mangyari so we need to be prepared as early as now,” dagdag niya. Santi Celario