Home NATIONWIDE Tulong, suporta sa pagbabangon ng GenSan mula sa lindol, tiniyak ni Alan

Tulong, suporta sa pagbabangon ng GenSan mula sa lindol, tiniyak ni Alan

6
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magpapatuloy ang kanyang suporta para sa tulong, reporma, at pagbangon ng residente ng General Santos City matapos ang magnitude 7.8 na lindol noong June 8 na nagpalikas sa libu-libong tao mula sa kanilang tahanan.

“Maasahan niyo kami sa relief, maasahan niyo kami sa reform. Hopefully makakatulong kami sa inyong recovery (at rehabilitation),” wika ni Cayetano sa pagbisita niya sa Mateo Village sa Barangay Lagao nitong June 23 kasama si Senador Robinhood Padilla.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga residente at lokal na opisyal, sinabi niya na siya at si Padilla ay kumakatawan sa mas malawak na suporta ng Minority bloc sa Senado.

“Kami ni Robin ay representative ng mga kasamahan natin sa Senado. Salamat po na sinalubong niyo kami lahat,” aniya, kasabay ng pagbati kina GenSan Mayor Lorelei Pacquiao, Lone District Representative Shirley Bañas Nograles, Councilor Cesar Bañas, at mga opisyal ng Barangay Lagao.

Ang pagbisita ni Cayetano ay kasunod ng relief operations na isinagawa ng kanyang opisina at ng opisina ni Senador Pia Cayetano mula June 9 hanggang 13, 2026. Nagbigay sila ng agarang tulong tulad ng mainit na pagkain at tubig sa halos 3,000 residente ng Sarangani at General Santos City.

Ilang miyembro rin ng Minority bloc, kabilang sina Senador Loren Legarda, Camille Villar, at Robinhood Padilla, pati si Undersecretary Janella Estrada ay bumisita sa General Santos City noong June 14 upang mamahagi ng relief assistance.

“Nandito po kami para tulungan si Mayor [Pacquiao] at Congresswoman [Nograles] kasi kayo talaga ang naapektuhan. Kung ano ang itinanim natin sa mga Pilipino kapag may disaster, tulong-tulong tayo,” sabi ni Cayetano.

Ayon sa Minority Leader, sampung miyembro ng Minority bloc ang nangakong tutulong sa mga apektadong komunidad at iginiit na ang kanilang pagtulong ay lampas sa usaping pulitika.

“Wala nang pulitika… Bagaman alam niyong may problema sa legal, si Senator Bato [Ronald dela Rosa] ay tumutulong pa rin. Si Senator Jinggoy [Estrada], nasa kulungan na, namiminsipyo, pero sabi sa amin, ‘sasama anak ko’ nung unang punta. Nung sabi ko pupunta uli, sabi niya tutulong na naman siya,” aniya.

Binigyang diin ni Cayetano ang lawak ng pinsala. Ayon sa impormasyong sinabi ni Mayor Pacquiao, nasa 34,000 bahay at 69 major infrastructure projects sa lungsod ang napinsala dahil sa lindol.

“Kung magpapagawa ang gobyerno, hindi naman matatapos agad lahat. Pero kung sama-sama ang gobyerno, NHA (National Housing Authority), at iba’t-ibang sektor, tulong tulong tayo para makabangon. Gamitin niyo rin kami bilang tiga remind — pahinumdum — sa gobyerno na kailangan i-rebuild natin,” himok ng senador.

Humanga din siya sa Estrevilla family na nagbahagi ng kanilang pananampalataya at katatagan sa kabila ng hirap na kanilang naranasan noong lindol.

“I’m so honored by your speech kasi kami ang magsabi na may magandang mangyayari sa inyo. Pwede niyo namang sabihin na hindi niyo na-experience ang linog eh. Pero y’ung kayo na na-injure and grabe y’ung nangyari sa inyo, pero nakakapag-testify kayo na nandyan ang Diyos at babangon tayo,” wika ng senador.

Dahil sa kwento ng katapangan ng mga nakaligtas, hinikayat ni Cayetano ang mga residente ng GenSan na manatiling may pag-asa habang sila ay bumabangon mula sa kalamidad.

“Pakisabi sa katabi niyo, babangon tayo. Pakisabi sa katabi niyo, mahal ka ng Diyos,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here