Home HOME BANNER STORY ‘Kano’ tiklo sa higit P10M ecstasy sa Pasay

‘Kano’ tiklo sa higit P10M ecstasy sa Pasay

3
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang American national matapos i-claim at tanggapin ang parcel na naglalaman ng nasa P10 milyong halaga ng hinihinalang ecstasy at mahigit 900 tableta ng hindi pa batid na hinihinalang ilegal na droga sa Pasay City nitong Martes ng hapon, Hunyo 30.

Kinilala ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang inarestong suspek na si Olukayode Adetokunboh Akinwale Lowo, 37, US citizen, digital content creator, at di-umano’y authorized representative o parcel claimant. Residente umano siya ng 5616 Woodmont Blvd., Peachtree Cor., GA 30092-2740, Gwinnett, at pansamantalang nanunuluyan sa 5177 P. Gomez St., Brgy. Poblacion, Makati City.

Base sa ulat ng IADITG, nadakip ang suspek sa ikinasang interdiction operation bandang alas-3:50 ng hapon sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, Pasay City.

Ayon sa IADITG, ang nasabing inbound parcel na na-claim ng suspek ay idineklarang naglalaman ng “salmon jerky, canned spam and corned beef, bath bombs, soaps, Hi-Chew gum candy, pancake and crackers, cereal and Rice Krispies, rock sugar and plum sugar, headphones, old shirts” na ipinadala ni Roberto Dalisay ng 5038 Nanaimo St., Vancouver, BC V5P 4J1, Canada, at naka-consign naman sa isang John Paul Lacaden (09154625018) ng 5761 Tramo St., San Dionisio, Parañaque City 1700, Philippines.

Nang buksan ng mga operatiba ng IADITG ang naturang parcel, nadiskubre nilang naglalaman ito ng 12 assorted food packages na may 2,385 gramo ng hinihinalang MDMA (ecstasy) na nagkakahalaga ng P10,136,250 at isang kahon na naglalaman naman ng 942 piraso ng kulay pink na tableta na hinihinala ring ilegal na droga.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service upang isailalim sa laboratory examination.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO-NCR, kabilang ang Bureau of Customs–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF), PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI).

(James I. Catapusan/Mga larawan ni Jimmy Hao)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here