Home HOME BANNER STORY ‘Adult groomer’ ng Tacloban shooters, natukoy ni Hontiveros

‘Adult groomer’ ng Tacloban shooters, natukoy ni Hontiveros

1
0

MANILA, Philippines – Natukoy ni Senador Risa Hontiveros ang itinuturong “adult groomer” ng dalawang estudyanteng namaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City na ikinamatay ng limang katao at ikinasugat ng 15 iba pa.

Sa pagsisimula ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Youth and Gender Equality, sinabi ni Hontiveros na malaking papel ang ginampanan ng online gaming platforms sa paglalantad sa kabataan sa mararahas na content at mapanakit na komunidad.

Ayon kay Hontiveros, natukoy ang notorious na gaming platform na 764 Network, na nakabase sa US, bilang isang “global child exploitation enterprise.”

“Patungkol diyan, narito ang ilan sa aming mga natuklasan. Trigger warning po sa lahat ng nanonood dito at online,” ayon kay Hontiveros.

Aniya, may ilang indikasyon na ang naganap na pamamaril sa Tacloban ay may impluwensiya ng grupong tinatawag na “764.”

“Ano ang 764? Nagsimula ito sa Texas, USA, ng isang 15-year-old na ang pangalan ay Bradley Cadenhead. Cadenhead claims an individual he met through the online game Minecraft aided him in starting 764, na first three digits ay zip code niya sa Texas,” paliwanag ni Hontiveros sa kanyang opening statement.

Ang modus ng grupong ito, dagdag ng senador, ay maghanap ng mga bulnerableng menor de edad online at hikayatin silang gumawa ng mga kahindik-hindik na bagay.

“Sabi mismo ng FBI, the leaders of the group are pushing victims to create graphic pornography, to harm family pets, to cut themselves with sharp objects, or to even die by suicide,” anang senador.

Paano? Tanong ng senador. “Kinakaibigan muna. Binibigyan ng sense of belonging. Pinaparamdam na may lugar sila. At saka unti-unting hinihikayat sa mas madilim at mas mapanganib na gawain.”

“Global na ang reach ng 764. Sa Canada, dineklara na ito bilang ‘terrorist group.’ Sa US naman, tinawag na ito ng FBI at Department of Justice nila na isang ‘national security threat.’ Naglabas na rin ng babala ang FBI sa mga magulang tungkol dito,” paliwanag ng senador.

Sinabi pa ng senadora na marami ring indikasyon na ang mga NVE o nihilistic violent extremism networks ay ginagawang pugad ng recruitment ang mga larong nilalaro ng kabataan gaya ng Roblox, Minecraft, at Gorebox.

“Sa loob ng grupo, may mga materyales tungkol sa sextortion o pananakot gamit ang mga sexual images. Mayroon ding tungkol sa paggawa ng armas o eksplosibo at iba pang mapanganib na gawain,” aniya.

“Ang mahirap nito, kung hindi nararamdaman ng bata sa totoong buhay ang respeto, pagtanggap, o sense of belonging, ang mga puwang na iyan ay pinupunuan ng masasamang online community nang may mabigat na kapalit: ang pagsunod, pananakit, at minsan, karahasan,” dagdag ng senador.

Idinagdag pa ni Hontiveros na, base sa reports ng independent investigators, nakita ang Facebook profile na sinasabing pag-aari ng isa sa mga suspek sa pamamaril sa Tacloban na si Alias Nash.

“Sa profile niyang ito, makikita na suot niya ang KMFDM shirt. Yung banda na KMFDM is not involved in 764, but many members of communities like 764 use that shirt para magbigay-pugay sa Columbine killer,” aniya.

Iisa lamang ang Facebook friend nito, giit ng senador, “at ayon sa ating source, ito rin ang dummy account ni Alias Nash na may pangalang ‘Date Larping.’”

“Pagkatapos ng barilan, nag-post ng comments sa page na ito ang tila mga miyembro ng parehong grupo. Makikita ang sinasabi ng mga miyembro ng grupo na sumusuporta sa ginawa niya. Sa comment ng isang ‘Sedykh Ryazanov,’ sinabi: ‘Na-edit na kita, boy, sa TikTok. Make sure na delete mo ang Discord, Reddit, Telegram para walang evidence na mahanap.’ Itong ‘Sedykh Ryazanov’ rin ang pinaghihinalaang adult groomer ng mga batang ito,” paliwanag ng mambabatas.

“We have been able to confirm that the profiles of Alias Nash, Date Larping, and Sedykh Ryazanov were active on Meta, but have now been deactivated. Meaning, may totoong tao sa likod ng mga profile na ito,” giit ng senadora.

Ayon kay Hontiveros, “Ito naman ang nakita naming profile ng iba pang nag-comment sa post ni Alias Nash — mga batang tila nasa network rin ng 764 at may interes sa pamamaril.”

“I want to be very clear: These are not yet final conclusions. Ang mga ito ay leads. Kaya pinadala na po natin ang kumpletong detalye nito sa NBI para sa beripikasyon at imbestigasyon. Posibleng may mas malawak na network, at kailangang mahuli ito bago pa magkaroon ng susunod na mabibiktima,” aniya.

Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here