Home METRO Taas-sahod sa mga lalawigan inihirit matapos P85 dagdag sa NCR

Taas-sahod sa mga lalawigan inihirit matapos P85 dagdag sa NCR

3
0

MANILA, Philippines – Kasunod ng inanunsyong ₱85 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR), nanawagan si Cavite Representative at House Committee on Labor and Employment Chairman Jolo Revilla sa mga regional wage board na sumunod at magpatupad din ng umento sa mga lalawigan.

Mainit na tinanggap ni Revilla ang desisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng NCR Tripartite Wages and Productivity Board (NCR-TWPB) sa dagdag-sahod, na tinawag niyang isang “long-overdue relief” o matagal nang inaasam na saklolo para sa mga manggagawang gipit sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Gayunpaman, binigyang-diin ng mambabatas na hindi dapat maiwan ang mga manggagawa sa labas ng Metro Manila, partikular ang mga nasa CALABARZON at Central Luzon, na nakararanas din ng matinding hagupit ng implasyon.

“We commend DOLE and the NCR Wage Board for this important step, but we must also ensure that workers in nearby regions who face similar economic pressures are not left behind,” pahayag ni Revilla.

Aniya, marami sa mga manggagawa sa mga karatig-lalawigan ang araw-araw na bumibiyahe patungong Metro Manila, kaya nararapat lamang na makatanggap din sila ng karampatang dagdag-sahod.

Kahit kasalukuyang nasa recess ang Kongreso, sinabi ni Revilla na hindi humihinto ang komite sa paghahanap ng mga pangmatagalang solusyon para sa sektor ng paggawa. Nitong Martes, sinalang ng House Committee on Labor and Employment ang 17 panukalang batas na naglalayong magpatupad ng legislated ₱200 daily wage increase sa buong bansa.

Bukod sa dagdag-sahod, isinusulong din ng komite ang mga batas para sa pagpapatatag ng kaalamang pinansyal ng mga ordinaryong manggagawa. Kabilang dito ang panukalang Personal Finance Education Program sa ilalim ng Labor Code at ang Financial Literacy for Workers Act upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mga scam at maling pamamahala ng pera. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here