Home NATIONWIDE P85 wage hike, kakainin lang ng VAT at taas-presyo ng bilihin —...

P85 wage hike, kakainin lang ng VAT at taas-presyo ng bilihin — solon

5
0

MANILA, Philippines – Tinuligsa ng Gabriela Women’s Party at tinawag na “grossly insufficient” ang ₱85 wage increase para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), na anila’y hindi mararamdaman dahil kakainin lamang ito ng Value-Added Tax (VAT) at mataas na presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Rep. Sarah Elago, lalo pang pinalala ang sitwasyon dahil ipatutupad ang umento sa dalawang tranche, kung saan ₱60 lamang ang magkakabisa sa Hulyo 19, 2026, habang ang natitirang ₱25 ay sa Enero 2027 pa mararamdaman.

“Ni hindi man lang makakabili ng isang kilong karne o isda ang mumong ₱85 na dagdag-sahod. Huhulugan pa ito sa loob ng anim na buwan, pero habambuhay namang huhulugan ng mga manggagawa ang kanilang mga utang dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” pahayag ni Elago.

Binigyang-diin ng mambabatas na malayo pa rin ang bagong minimum wage na magiging ₱780 sa tunay na nakabubuhay na sahod.

Ani Elago, pumapalo na sa ₱1,251 ang family living wage na kinakailangan ng isang pamilyang may limang miyembro, kaya malinaw na ang ₱780 minimum wage ay kulang na kulang.

Dahil dito, nanawagan ang Gabriela sa publiko na magkaisa at kalampagin ang pamahalaan para sa pagpasa ng ₱1,200 National Minimum Wage Bill at ng “Presyo Ibaba Bill.”

Target ng huling panukala na alisin ang 12% VAT sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng kuryente, tubig, toll fees, at mga produktong petrolyo, pati na rin ang excise tax sa langis. Gail Mendoza 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here