Home NATIONWIDE Mayor Isko: Pag INC nagra-rally, wala akong kaba

Mayor Isko: Pag INC nagra-rally, wala akong kaba

4
0

MANILA, Philippines – SINABI ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na wala siyang pangamba tuwing nagsasagawa ng rally ang Iglesia Ni Cristo (INC) dahil sa maayos na rekord ng grupo sa kanilang mga pagtitipon.

Ginawa ng alkalde ang pahayag habang ikalawang araw ng pagtitipon ng INC sa Liwasang Bonifacio, kung saan mas kaunti na ang mga kalahok kumpara sa unang araw. May ilang grupo mula sa Unang Distrito ng Batangas na nanatili sa Freedom Park, habang ang iba ay nagtungo sa EDSA upang makiisa sa protesta roon.

Ayon sa Manila Police District, nasa 30 rallyist na lamang ang nananatili sa lugar batay sa pinakahuling monitoring.

“Kapag Iglesia Ni Cristo (INC) ang nagra-rally, wala akong kakaba-kaba. Mapayapa sila kahapon eh, doon sila sa Freedom Park. Okay naman. Wala naman,” anang alkalde.

Ipinaalala ni Domagoso na hindi kailangan ng permit sa Liwasang Bonifacio dahil isa itong Freedom Park.

“Kahapon, mina-monitor namin yung Liwasan… hindi na kailangan ng permit doon dahil Freedom Park.”

Binigyang-diin din niya na naging maayos ang mga nagdaang malalaking pagtitipon ng INC sa Luneta, at patuloy na ipinatutupad ng pamahalaang lungsod ang polisiya ng maximum tolerance sa lahat ng lehitimong protesta habang mahigpit na binabantayan ang mga pangunahing kalsada at mga lugar tulad ng Mendiola Street at Malacañang Palace.

“Sa totoo lang, pag INC ’yan nagra-rally, wala akong kakaba-kaba… katulad ng huli nilang ginawa dito sa Luneta na may permit, ilang milyon sila doon.”

Gayunman, inamin ng alkalde na nagkaroon ng mas mabigat na daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng Maynila dahil sa pagtitipon.

“Medyo traffic. It’s part of Manila.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here