Home NATIONWIDE Crime at drug syndicate sa North Cotabato, nasawata ng PNP

Crime at drug syndicate sa North Cotabato, nasawata ng PNP

3
0

MANILA, Philippines – BINUWAG ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y gunrunning at illegal drug syndicate matapos ang isang intelligence-driven operation sa Barangay New Panay, Aleosan, North Cotabato noong Hunyo 29.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ikinasawi ng operasyon si Muhamad Taparan Pasandalan at naaresto si Montaser Masempal Pandita, 33, na umano’y nakitang may dalang 9mm pistol kahit hindi siya kabilang sa mga nakasaad sa search warrant. Isinagawa ang operasyon ng PNP Intelligence Group, Police Regional Office 12 (PRO-12), at Cotabato Police Provincial Office.

Isinilbi ang mga search warrant na inilabas noong Hunyo 19 ni Executive Judge Rainera Osua ng Regional Trial Court Branch 28 sa Midsayap kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ayon sa pulisya, nagpaputok umano si Pasandalan laban sa mga operatiba habang isinasagawa ang pagsisilbi ng warrant kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad. Isinugod siya sa Aleosan District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

“This operation sends a clear message that the PNP will relentlessly pursue individuals involved in illegal drugs and the unlawful possession of firearms,” pahayag ni Nartatez.

Iniutos din ng PNP chief ang pinaigting na manhunt laban sa tatlong suspek na nakatakas sa operasyon na sina Thong Abiden Sapal, Kalid Ebad Sakib alias “Budtong,” at Eti Abiden Sapal.

Nakumpiska sa operasyon ang dalawang .45-caliber pistol, mga bala, handheld radio, at mga sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos PHP689,000. Isinailalim na sa forensic at ballistic examination ang mga ebidensiya, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 at Republic Act 10591 laban sa tatlong suspek na nananatiling nakatakas.

“We will continue to conduct intelligence-driven, lawfully executed operations to protect our communities. Those who choose to resist arrest with violence will be dealt with in accordance with the law while respecting due process and human rights,” dagdag ni Nartatez. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here