TAIPEI, Taiwan – Kinondena ng Taiwan ang pagde-deploy ng China ng mga government vessel sa karagatang nakapaligid sa isla, kabilang ang silangang bahagi nito, dahil umano’y layunin nitong ipakita na sakop ng China ang Taiwan Strait.
Ayon sa mga opisyal ng Taiwan, sinasamantala ng Beijing ang sitwasyon upang magpalaganap ng “cognitive warfare” at palabasing may soberanya ito sa mga karagatang nakapaligid sa Taiwan.
Noong Hunyo, nagsagawa ang China ng patrol at law enforcement operations sa silangan ng Taiwan matapos magkasundo ang Pilipinas at Japan na simulan ang usapan tungkol sa maritime delimitation. Iginiit ng China na nilalabag umano nito ang kanilang teritoryo at karapatan sa dagat.
Inakusahan din ng Taiwan ang China ng panghihimasok sa kalayaan sa paglalayag ng mga commercial vessel sa silangang karagatan ng Taiwan, at nagbabala na banta ito sa seguridad ng rehiyon at sa pandaigdigang kaayusan sa karagatan.
Pinayuhan naman ng Taiwan Coast Guard ang mga barkong Taiwanese na huwag pansinin ang mga pagtatanong ng China Coast Guard at agad na ipaalam sa kanilang awtoridad kung makaranas ng ganitong sitwasyon.
Noong nakaraang linggo, nagpahayag din ng pagkabahala ang mga kinatawan ng United Kingdom, France, at Germany sa Taipei sa mga kilos ng China sa silangan ng Taiwan, dahil umano’y nagbabanta ito sa katatagan ng rehiyon, kalayaan sa paglalayag, at kaligtasan ng international shipping.
Patuloy ang tensyon sa pagitan ng China at Taiwan mula nang maupo sa puwesto si Taiwan President Lai Ching-te noong 2024. Itinuturing ng China ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito, habang magkahiwalay na namamahala ang dalawang panig mula pa noong 1949. RNT/MDS