Home NATIONWIDE Plunder case vs Marcoleta, walang kinalaman sa impeachment – Barbers

Plunder case vs Marcoleta, walang kinalaman sa impeachment – Barbers

3
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng House prosecution panel na walang anumang kinalaman ang nagbabadyang kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta sa nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na nagsisilbing House prosecution panel spokesman at impeachment trial adviser, malinaw na magkahiwalay ang dalawang isyu at hindi dapat bigyan ng maling interpretasyon ng publiko.

Ang paglilinaw ni Barbers sa isyu ay kasunod ng mga espekulasyon na ang reklamong isasampa laban kay Marcoleta ay isang “coordinated effort” o planadong hakbang para ipitin ang mambabatas at pigilan itong makilahok sa trial.

“Well, nirerespeto ko ‘yung kanyang (Marcoleta’s) opinion. In fact, karapatan niya ‘yan na ganyan ang kanyang paniniwala. Kaibigan po natin ‘yang si Sen. Marcoleta,pero para sa index, personally, walang kinalaman dito sa impeachment na ito ‘yung kasong kakaharapin niya.” ani Barbers.

Ipinaliwanag ni Barbers na ang legal na usaping kinakaharap ni Marcoleta ay nag-ugat sa naging pag-amin mismo ng senador na nakatanggap siya ng ₱75 milyong donasyon mula sa tatlong kaibigan para sa kaniyang kampanya noong May 2025 midterm elections, na nabigo maideklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Giit ni Barbers, umaksyon lamang ang Office of the Ombudsman batay sa mga pampublikong pahayag at pag-amin mismo ni Marcoleta.

“Sabi ng Office of the Ombudsman, nanggaling sa kanya ang admission o revelation. At dahil sa information na ‘yan, umakto immediately ang government anti-graft body about it.So that’s another problem that must be resolved by Sen. Marcoleta. But this has nothing to do with the impeachment trial of VP Sara Duterte.” dagdag pa nito.

Pinaalalahanan din ni Barbers ang publiko na ang pag-uugnay sa dalawang magkaibang usapin ay purong espekulasyon lamang at walang matibay na batayan. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here