Home METRO Hinihinalang salvage victim umalingasaw sa tubuhan sa Bago City

Hinihinalang salvage victim umalingasaw sa tubuhan sa Bago City

3
0

BACOLOD CITY — Natagpuan ang bangkay ng isang hinihinalang biktima ng summary execution sa isang tubuhan sa Purok Langka, Barangay Pacol, Bago City, Negros Occidental nitong Huwebes, Hulyo 2.

Ayon kay Police Lt. Col. James Latayon, Bago police chief, tinatayang nasa 30 hanggang 40 taong gulang ang hindi pa nakikilalang biktima, may taas na humigit-kumulang 5’5”, nakasuot ng puting T-shirt at jeans, at may mga tattoo sa kanang braso at kamay.

May nakikitang sugat sa ulo ang biktima, habang nakabalot sa packaging tape ang kaniyang katawan at nakagapos ang mga kamay at paa.

Sinabi ni Latayon na natagpuan ng mga sugarcane workers o “sacadas” ang bangkay, na posibleng pinatay sa ibang lugar at itinapon lamang sa lugar. Tinatayang dalawang araw nang naroon ang bangkay bago nadiskubre.

Nakikipag-ugnayan na ang Bago police sa mga kalapit na istasyon ng pulisya upang alamin kung may naiulat na nawawalang tao, habang nagpapatuloy ang follow-up investigation.

Samantala, sa Hinoba-an, Negros Occidental, isang 46-anyos na lalaki na kinilalang si Ed ang tinaga hanggang sa mamatay ng umano’y kalaguyo ng kaniyang asawa sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Po-ok nitong Martes, Hunyo 30.

Ayon kay Police Major Eric Doronilla, Hinoba-an police chief, lasing umano si Ed nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng kaniyang 52-anyos na asawa na si Jima kaugnay ng kanilang marital issues. Nakikinig umano sa loudspeaker ng cellphone ni Jima ang 56-anyos na suspek na si Ge nang makialam ito sa kanilang alitan.

Umalis ng bahay si Jima bago pumasok si Ge, na asawa rin ng kapatid ng biktima, at tinaga umano sa leeg si Ed. Ayon kay Doronilla, nakita ng menor de edad na anak ng biktima ang insidente ngunit hindi nakagalaw dahil sa pagkabigla at takot.

Sa follow-up investigation, naaresto ng pulisya si Ge sa kaniyang pinagtatrabahuhan sa Barangay Cayhagan, Sipalay City, Negros Occidental. Narekober din ang isang bolo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Inimbitahan din ng pulisya si Jima para sa imbestigasyon matapos siyang tawagan ni Ge sa police station. Hinikayat siya ng pulisya na magbigay ng pahayag tungkol sa insidente.

Bagama’t hindi pa malinaw ang papel ni Jima sa insidente, kinasuhan siya ng murder kasama si Ge nitong Miyerkules, Hulyo 1. Ayon sa pulisya, madalas umanong magtalo ang mag-asawa dahil alam ni Ed ang umano’y relasyon ni Jima sa suspek. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here