MANILA, Philippines – NAGTALA ang Bureau of Customs (BOC) ng mahigit ₱11.478 bilyong revenue surplus sa unang anim na buwan ng 2026, kasabay ng unang taon bilang pinuno ng ahensiya ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Batay sa paunang datos ng BOC, umabot sa ₱491.748 bilyon ang kabuuang nakolektang kita mula Enero hanggang Hunyo 2026, na mas mataas ng ₱11.478 bilyon kumpara sa itinakdang target na ₱480.270 bilyon. Katumbas ito ng 2.4 porsiyentong paglagpas sa target at 7.2 porsiyentong pagtaas kumpara sa ₱458.771 bilyong nakolekta sa kaparehong panahon noong 2025.
Malaki rin ang naging ambag ng buwan ng Hunyo sa positibong resulta matapos makalikom ang BOC ng ₱86.073 bilyon, na lumampas ng ₱2.853 bilyon sa target nitong ₱83.220 bilyon para sa buwan. Mas mataas din ito ng 11.7 porsiyento o ₱9.037 bilyon kumpara sa nakolekta noong Hunyo ng nakaraang taon.
Ayon sa BOC, sumasalamin ang naturang tagumpay sa pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa katiwalian, pagpapalakas ng border protection, digital transformation, at mga repormang isinulong sa ilalim ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement ni Nepomuceno.
Pinasalamatan naman ng komisyoner ang mga kawani ng ahensya sa patuloy na pagtupad sa kanilang mandato. Aniya, ang bawat pisong nakolekta ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga empleyado sa iba’t ibang collection districts, enforcement units, at tanggapan ng BOC sa buong bansa.
“Ang bawat pisong nakolekta ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng ating mga kawani sa lahat ng collection districts, enforcement units, at sa lahat ng offices. Maraming salamat sa inyong tiwala, dedikasyon, at malasakit sa serbisyo publiko,” pahayag ni Nepomuceno.
Naging mahalaga rin ang kontribusyon ng 17 collection districts ng BOC sa buong bansa, katuwang ang mas mahigpit na customs enforcement, pinahusay na trade facilitation, compliance measures, at modernisasyon ng mga sistema at proseso ng ahensya. Nag-ambag din ang Post-Clearance Audit Group (PCAG) ng ₱2.283 bilyon sa pamamagitan ng mga isinagawang post-clearance audit operations.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong na palakasin ang pangongolekta ng kita upang masuportahan ang mga programang pangkaunlaran ng pamahalaan, sinabi ng BOC na mananatili itong nakatuon sa pagpapanatili ng mataas na antas ng koleksiyon at pagtupad sa ambisyosong target na ₱1 trilyong kita para sa taong 2026.JAY Reyes