Home NATIONWIDE NBI, House officials, unang mga testigo sa impeachment trial ni VP Sara

NBI, House officials, unang mga testigo sa impeachment trial ni VP Sara

3
0

MANILA, Philippines – Mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) at House of Representatives ang kabilang sa mga unang ihaharap na testigo ng House prosecution panel sa pagbubukas ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Lunes, Hulyo 6.

Kabilang sa mga testigo sina NBI-BARMM Regional Director Jeremy Lotoc, NBI Senior Agent John Mark Calilung, at House Legislative Security Bureau Executive Director Capt. Belinda Bello.

Magpapatotoo sila kaugnay ng Article I ng impeachment, na tumatalakay sa umano’y grave threat at assassination plot laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay House prosecutor Rep. Joel Chua, “Pag-o-authenticate ng mga video, ’yun po most likely ang mga mangyayari po dito. Ang pinakamatinding ebidensya naman po namin sa threat ay ’yung mismong video.”

Inaasahan ding talakayin ng impeachment court ang apat na nakabinbing mosyon, kabilang ang pagbubukas ng kahon na naglalaman ng tax records nina VP Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio. Nais ng depensa na buksan ito sa executive session lamang, ngunit tutol ang prosekusyon.

Samantala, sinabi ni Senator-judge Panfilo Lacson na napagkasunduan ng Senado na ibalik ang kahon dahil hindi umano tungkulin ng impeachment court na ito ang magbukas nito.

Sinabi naman ng House prosecution na tuloy ang pagharap ng kanilang mga testigo at ebidensya kahit dumalo man o hindi si VP Duterte sa unang araw ng paglilitis.

Nasa heightened alert na rin ang National Capital Region Police Office (NCRPO), na magpapakalat ng 6,000 pulis sa paligid ng Senado. Ipinagbabawal din ang pagsusuot ng balaclava, pagdadala ng effigy, at paghahagis ng anumang bagay sa mga kilos-protesta. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here