CAUAYAN CITY, Isabela – Huli ang dalawang electrician na manggagawa sa isang construction project matapos umanong tangkaing nakawin ang mga electrical wire na nakalaan para sa itinatayong gusali ng NIA MARIIS sa Barangay Minante I, Cauayan City, Isabela.
Sa ipinarating na ulat kay PLtCol. Jerry Castillo, OIC ng Cauayan City Police Station, ang mga suspek sa mga alyas na “JP,” 20, at “JC,” 18, na kapwa electrician sa naturang proyekto.
Nahuli umano ang dalawang suspek matapos silang makitang naghagis ng isang puting sako palabas ng bakod ng construction site. Agad itong iniulat ng isang skilled worker sa kalihim ng AGT Builders na nagsasagawa noon ng inspeksyon sa lugar.
Nang suriin ang sako at isang backpack na naiwan sa lugar, nadiskubre ang iba’t ibang electrical wires na may kabuuang habang 490 metro at tinatayang nagkakahalaga ng ₱41,650.
Positibong kinilala ng testigo ang dalawang suspek bilang mga naghagis ng sako kaya isinagawa ang citizen’s arrest bago sila isinuko sa mga kapulisan.
Pansamantala nasa kustodiya ng pukisya ang dalawang suspek habang inihahanda kasong qualified theft. (REY VELASCO)