MANILA, Philippines – Natuklasan ng mga mananaliksik mula sa Taiwan at Pilipinas ang apat na bagong fault zone sa ilalim ng dagat sa kanlurang Luzon na tila konektado sa Philippine Fault Zone.
Inilathala ang pag-aaral sa Journal of Asian Earth Sciences at ibinahagi ng University of the Philippines Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA) noong Hulyo 3.
Gumamit ang mga researcher ng high-resolution seafloor maps at seismic profiles upang suriin ang mga istruktura sa ilalim ng dagat.
Ayon sa pag-aaral, ang isa sa mga bagong fault branch ay tila umaabot hanggang sa Manila Trench, isang lugar sa ilalim ng dagat na maaaring pagmulan ng lindol at tsunami.
Natuklasan din na ang Manila Trench ay lumilihis ng humigit-kumulang 35 degrees habang patimog at may senyales na tila napupunit ang bahagi ng crust ng mundo sa ilalim ng rehiyon.
Ayon sa mga mananaliksik, maaaring dulot ito ng sabay na paggalaw ng Palawan Microcontinental Block at Benham Rise.
Sinabi nila na ang pagtuklas sa mga fault zone na ito ay makatutulong upang mas maunawaan ang paggalaw ng lupa sa Luzon at mapahusay ang hazard assessment at paghahanda ng mga komunidad laban sa lindol. RNT/MDS