MANILA, Philippines – NAHAHARAP sa patung-patong na kaso ang suspek na sangkot sa nag-viral na robbery incident na lumaganap sa social media nitong tatlong araw na nagdaan.
Naaresto ng Taguig City Police Station nitong July 4, 2026 ang suspek na si alyas Joss makaraang maaktuhan in flagrante delicto para sa illegal possession of firearm at hand grenade.
Nahaharap din sa karagdagang robbery charges ang suspek makaraang kilalanin ng kanyang biktima.
Ang suspek na si alyas Joss, 23 years old, ay naaresto dakong 4:45 a.m. nitong July 4, 2026, at kakasuhan sa robbery incident na nangyari bandang 9:17 p.m. noong July 1, 2026 sa Plaza 6, Barangay North Signal, Taguig City.
Nag-ugat ang pag-aresto sa suspek sa intelligence-driven casing at surveillance operation ng mga personnel ng Station Intelligence Section (SIS) at Sub-Station 6 ng Taguig City Police Station, sa liderato ni Police Colonel Julius C. Añonuevo, chief of police, sa koordinasyon sa Regional Special Operations Group (RSOG), sa kahabaan ng General Malvar Street, Barangay South Signal, Taguig City.
Habang nag-ooperate, napansin ng mga operatiba ang suspek na lantarang nagdadala at kahina-hinalang pinaglalaruan ang isang baril.
Nilapitan ng operating team ang suspek at nagpakilalang mga pulis bago hinanapan ng kaukulang dokumento patungkol sa baril, na wala namang naipakita.
Dahil walang legal na papeles na naipakita, dinakip si Joss in flagrante delicto kaya isinailalim sa lawful warrantless arrest.
Nabawi sa suspek ang isang Armscor caliber .45 pistol na may isang magazine loaded with seven live rounds of ammunition, isang black holster, at isang hand grenade.
Binasahan ng kanyang Miranda Rights ang suspek na si Joss bago tuluyang dinala sa Taguig City Police Station para sa kaukulang documentation at disposition.
Mga kasong violation ng Section 28 ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at violation ng Republic Act No. 9516 (Illegal Possession of Explosives) ang isinampa sa Piskalya ng Taguig ng mga pulis.
Sa imbestigasyon, lumabas na isa ang arestadong suspek sa mga nagsagawa ng armed robbery sa online seller noong 9:17 p.m. ng July 1, 2026 sa Plaza 6, Barangay North Signal, Taguig City, ang insidenteng nag-viral sa iba’t ibang social media platforms. (Dave Medina)