MANILA, Philippines – Lumabas sa isang pag-aaral ng Agile Data Solutions Inc. na halos isa sa bawat tatlong manggagawang Pilipino ang nakararanas na ng matinding pagkapagod sa kalagitnaan ng taon.
Sa 2,000 Pilipinong sinurvey, 22.05% ang nagsabing medyo pagod na sila, habang 11.61% ang lubos nang pagod. Samantala, 42.75% naman ang nagsabing energized pa rin, at 23.58% ang nagsabing wala silang nararamdamang pagod o sigla.
Nang tanungin kung gaano kadalas silang napapagod sa trabaho nitong nakaraang buwan, 45.99% ang sumagot na “minsan,” habang 24.57% ang nagsabing madalas o halos araw-araw nila itong nararanasan.
Pinakamalaking dahilan ng pagkapagod ang hirap sa work-life balance (25.1%). Sinundan ito ng mababang sahod kumpara sa dami ng trabaho (17.28%), sobrang workload o mahihigpit na deadline (13.14%), hindi malinaw na direksyon ng management (11.34%), kakulangan ng pagkilala o oportunidad sa career growth (11.34%), at problema sa relasyon sa katrabaho (7.56%).
Pinakakaraniwang epekto ng burnout ang pisikal na pagkapagod (45.72%). Kabilang din sa mga sintomas ang hirap matulog dahil sa trabaho, pakiramdam na kulang ang natatapos, hirap mag-concentrate, pagkawala ng gana sa trabaho, at pagiging iritable.
Sa kabila nito, 83.52% ng mga respondent ang nagsabing nasisiyahan pa rin sila sa kanilang career. Gayunman, 59.58% ang naniniwalang tila hindi na umuusad ang kanilang karera, dahil sa kakulangan ng oportunidad para umangat at paulit-ulit na gawain. RNT/MDS