Home NATIONWIDE P137M ismagel vape products nasabat ng BOC sa Manila Port

P137M ismagel vape products nasabat ng BOC sa Manila Port

4
0

MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P137 milyon halaga ng mga ismagel na vape at vape-related products ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP), bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling.

Ayon sa BOC, siyam na container ang hinarang matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y iligal na kargamento. Agad namang nagpalabas ng Alert Orders si MICP District Collector Atty. Geoffrey K. De Vera IV upang isailalim ang mga container sa 100 porsiyentong pisikal na inspeksyon.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS).

Lumalabas sa imbestigasyon na nagmula sa China ang mga shipment at idineklarang cardboard boxes, accessories, packaging bags, kitchenware, underwear, clothes hangers, shoe boxes at footwear. Gayunman, nang inspeksyunin ang mga ito ay natuklasang naglalaman pala ng malaking dami ng mga vape kit, disposable vape devices, vape cartridges at iba pang vape-related products na taliwas sa kanilang deklarasyon.

Tinatayang umabot sa ₱136,924,250 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto.

Nakiisa rin sa beripikasyon at pagsusuri ng mga nakumpiskang produkto ang mga kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) at National Bureau of Investigation (NBI) upang matiyak ang pagsunod sa umiiral na batas sa pag-aangkat at pagbebenta ng vape products.

Nagbabala si Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi palalampasin ng BOC ang anumang tangkang magpuslit ng mga regulated products sa bansa.

Binigyang-diin ng BOC na magpapatuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa mga pantalan upang mapigilan ang mga iba’t-ibang ismagel na produkto, mapangalagaan ang kita ng pamahalaan, at maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko. JAY REYES (larawan ni Eric Ocapan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here