Home HOME BANNER STORY Praktis ‘pag may active shooter sa iskul, isasagawa ng DepEd

Praktis ‘pag may active shooter sa iskul, isasagawa ng DepEd

1
0

MANILA, Philippines — Ilulunsad ng Department of Education ang active shooter drills sa mga pampublikong paaralan bilang bahagi ng mga hakbang para palakasin ang kaligtasan ng mga mag-aaral kasunod ng mga insidente ng karahasan sa paaralan, kabilang ang madugong pamamaril sa Tacloban City.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang inisyatiba ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kapakanan ng mga mag-aaral.

Sa ambush interview sa sidelines ng expanded School-Based Feeding Program rollout sa Pulilan Central School sa Bulacan, sinabi ni Angara na layunin ng drill na ipakita sa mga estudyante at school personnel ang dapat gawin sakaling magkaroon ng pamamaril sa loob ng paaralan.

“May ilo-launch tayo sa Biyernes: ‘yung shooting drill na ipapakita natin kung ano ang kailangang gawin kapag may bumaril sa isang eskwelahan. May protocol na tayong automatic,” ani Angara.

Sinabi ni Angara na bahagi ito ng pinaigting na security measures at adjustments sa mga pampublikong paaralan.

“Nag-aadjust tayo kasi ito ‘yung kauna-unahang school shooting. Ibig sabihin ‘yung estudyante ‘yung namaril,” dagdag niya.

Bukod sa active shooter drills, palalakasin din ng DepEd ang mga hakbang laban sa bomb threats sa mga paaralan. Ayon kay Angara, may ilang paaralan nang may agarang protocols, habang ang iba naman ay nagsususpinde ng klase kapag may natatanggap na banta.

“Sa mga sanay na sa bomb threat, ang ginagawa nila, tinatawag nila ‘yung SWAT teams,” sabi ni Angara.

Makikipagtulungan ang DepEd sa Philippine National Police upang tugunan ang mga usapin sa seguridad sa mga paaralan. Nauna nang nangako ang ahensya na makikipag-ugnayan sa law enforcement agencies para maprotektahan ang mga mag-aaral, guro, at non-teaching personnel, kabilang ang posibleng pagtaas ng police visibility sa mga paaralan.

Ang paglulunsad ng drills ay kasunod ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan tatlo ang namatay at may iba pang nasugatan matapos ang pag-atake ng dalawang estudyante. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here