MANILA, Philippines — Naghain nitong Miyerkoles si Senator Erwin Tulfo ng panibagong criminal complaints laban kay lawyer Levito Baligod, dating congressman Mike Defensor, at apat pang iba dahil sa umano’y mapanirang pahayag na nag-uugnay sa kanya sa sinasabing deliveries ng “maletas” o maleta ng pera mula sa government-funded projects.
Inihain ni Tulfo ang complaint-affidavit sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office laban kina Baligod, Defensor, Jeron Valderama, Bernard Gumban, Virgilio Garcia, at Quezon City Councilor Ranulfo “Rannie” Ludovica.
Kinasuhan ang mga respondent ng grave oral defamation sa ilalim ng Article 358 ng Revised Penal Code kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag na ginawa sa isang event noong Hunyo 16 sa Double Gem EDSA Garden Events Place sa Mandaluyong City, na unang ipinakilala bilang “Blue Ribbon Sub-Committee” hearing kaugnay ng flood control controversy ngunit kalauna’y idineklara ni Defensor bilang isang “press conference,” ayon sa affidavit ni Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na publiko siyang iniugnay ng mga respondent sa umano’y delivery ng mga maletang puno ng pera mula sa government-funded projects, bagay na mariin niyang itinanggi.
“I didn’t get any. Even a single centavo from government projects. Wala,” pahayag ni Tulfo sa mga reporter matapos ihain ang mga reklamo.
Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ni Tulfo na ginawa ang mga akusasyon sa pampublikong lugar at lalo pang pinalaganap sa pamamagitan ng livestreaming at social media, na nagdulot umano ng dishonor, discredit, at contempt laban sa kanya bilang public servant at bilang family man.
Ayon sa affidavit, ang June 16 event ay livestreamed ng isang media outlet at nakakuha ng daan-daang libong views, na ginamit ni Tulfo bilang batayan upang sabihing lalo pang kumalat online ang umano’y mapanirang mga pahayag.
Inakusahan din ni Tulfo sina Defensor at Baligod na nanguna sa event kahit wala ang mga senador na inaasahang mamumuno sana sa proceedings.
Sinabi rin niya na ang ilan sa mga respondent ay nauna nang naghain ng kanilang mga alegasyon sa Office of the Ombudsman sa pamamagitan ng notarized complaint-affidavit noong Pebrero, kaya hindi na umano kailangan ang patuloy na paglalantad ng mga akusasyon sa publiko.
Iginiit ni Tulfo na wala siyang infrastructure, flood control, o farm-to-market road project na pinagmulan umano ng kanyang benepisyo.
“Wala akong infra, wala akong flood control or farm-to-market. Wala,” ani Tulfo.
Sinabi ng senador na wala sana siyang planong maghain ng karagdagang reklamo ngunit pinayuhan siya ng kanyang abogado na gumawa ng legal na hakbang laban sa tinawag niyang kasinungalingan.
“Korte na lang bahala sa kanila,” sabi ni Tulfo.
Hiniling ni Tulfo sa prosecutors na makakita ng probable cause at ihain ang kaukulang impormasyon laban sa mga respondent para sa grave oral defamation sa ilalim ng cybercrime law. RNT