MANILA, Philippines – Patuloy na humihina ang aktibidad ng Bulkang Taal sa Batangas matapos makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng malaking pagbaba sa sulfur dioxide (SO₂) emissions at seismic activity sa nakalipas na 24 oras.
Sa inilabas na bulletin ng Phivolcs, umabot lamang sa 250 metric tons ang sulfur dioxide emissions mula sa pangunahing bunganga ng bulkan.
Umabot naman sa 500 metro ang taas ng ibinugang plume.
Malayo ito sa 829 metric tons na naitalang average na SO₂ emissions mula Hulyo 2 hanggang Hulyo 7.
Bumaba rin ang seismic activity ng bulkan matapos makapagtala ang Phivolcs ng isang volcanic earthquake lamang sa nakalipas na 24 oras.
Matatandaang naabot ng aktibidad ang pinakamataas na antas noong Hulyo 6 nang maitala ang 120 volcanic earthquakes at 113 volcanic tremors.
Bumaba ito sa 27 lindol at 22 tremors noong Hulyo 7, naging 8 volcanic earthquakes noong Hulyo 8, bago tuluyang bumaba sa isa na lamang.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang volcanic earthquakes ay dulot ng mga prosesong nagaganap sa ilalim o loob ng aktibong bulkan, habang ang volcanic tremors ay tuloy-tuloy na low-frequency seismic signals na maaaring indikasyon ng paggalaw ng magma o iba pang volcanic fluids.
Sa pinakahuling monitoring, wala ring naobserbahang pag-alsa ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater at wala ring naitalang volcanic smog (vog) sa paligid ng bulkan.
Sa kabila ng paghupa ng aktibidad, nananatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal. RNT/JGC