Home NATIONWIDE Board member sa NegOc, tatalupan sa nabuwag na e-sabong ops

Board member sa NegOc, tatalupan sa nabuwag na e-sabong ops

3
0

MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ang isang provincial board member ng Negros Occidental matapos mabuwag ng pulisya ang isang malawakang ilegal na online cockfighting o e-sabong operation sa E.B. Magalona, Negros Occidental nitong Miyerkoles, Hulyo 8, 2026.

Sinabi ni Police Regional Office-Negros Island Region director Brig. Gen. Romano Cardiño na itinuturing na person of interest si 3rd District Board Member Andrew Montelibano matapos siyang makita ng mga operatiba sa property sa Hacienda Pilar, Barangay Alicante, kung saan nadiskubre ang ilegal na operasyon.

“He is a subject of the investigation because the operatives saw him in the property. ‘Yung kanyang presence dun explain niya ‘yun. Ano’ng ginagawa niya dun,” pahayag ni Cardiño sa isang press conference nitong Huwebes.

Binanggit din ni Cardiño na si Montelibano ang chairperson ng games and amusement committee ng Provincial Board.

Ayon sa opisyal, hindi inaresto si Montelibano dahil wala pang “no concrete evidence” ang pulisya sa kaniyang umano’y partisipasyon.

“We arrested those in the act of conducting cockfight,” dagdag ni Cardiño.

Wala pang inilalabas na pahayag si Montelibano kaugnay ng kaniyang presensya sa naturang property.

Ayon sa PRO-NIR, tinutugis ng joint police operatives ang isang wanted person na may arrest warrants para sa murder at frustrated murder nang madiskubre nila ang e-sabong operation. Gayunman, nakatakas ang wanted person.

Apat na indibidwal ang inaresto ng pulisya dahil umano sa pagkakasangkot sa cockfighting operation. Kinilala sila sa mga alyas na “JG,” 40; “FD,” 38; “RL,” 36; at “EC,” 29.

Narekober sa property ang 142 live fighting cocks, 106 carcasses of fighting cocks, 156 gaffs, dalawang camera stands, at dalawang television monitors.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Presidential Decree 1602, o Illegal Gambling, kaugnay ng Republic Act 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012, laban sa mga inaresto. Nasa kustodiya na sila ng E.B. Magalona Municipal Police Station.

“At this stage, the investigation remains ongoing. No conclusions will be drawn, and no liability will be attributed beyond what is supported by evidence and the applicable law. PRO-NIR remains committed to due process and the fair administration of justice,” ani Cardiño.

Tiniyak din niya na susundan ng pulisya ang ebidensiya sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

“Our actions will not be influenced by position, affiliation, or status. Our responsibility is to enforce the law fairly, impartially, and without fear or favor,” dagdag niya.

Sinabi naman ng lokal na pamahalaan ng E.B. Magalona na ipinauubaya nito sa mga kinauukulang awtoridad ang paghawak sa kaso.

“Let an investigation take its course. Rest assured that whatever the outcome, we will respect such,” pahayag nito.

Nadiskubre ang e-sabong operation sa E.B. Magalona halos tatlong buwan matapos maaresto ng mga operatiba ang 30 katao at makasamsam ng iba’t ibang digital equipment sa isang umano’y e-sabong facility sa Talisay City, Negros Occidental.

Una nang ipinag-utos ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na nationwide suspension ng e-sabong operations sa ilalim ng Executive Order No. 9 na inilabas noong Disyembre 28, 2022.

Sa ilalim ng kautusan, suspendido ang live-streaming o broadcasting ng live cockfights sa labas ng cockpits, cockfighting arenas, o lugar kung saan idinaraos ang sabong. Suspendido rin ang online, remote, o off-cockpit wagering sa live cockfighting matches, saanman matatagpuan ang betting platform. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here