MANILA, Philippines – Mananatili sa kustodiya ng Philippine National Police General Hospital si Senator Rodante Marcoleta dahil sa hindi pa matatag na kondisyon ng kaniyang kalusugan, ayon sa mga opisyal ng pulisya nitong Huwebes.
Sinabi ni PNPGH chief of Internal Medicine Lt. Col. Benaly Bayani na batay sa pinakahuling medical results, may mataas na cholesterol si Marcoleta, bukod pa sa mild pneumonia at degenerative disc disease.
“We are still waiting for the official result of the 2D Echo (two-dimensional echocardiogram). We already have the laboratories and the only findings we have is Dyslipidemia which is cholesterol, it’s elevated, and it can block the veins. For now, the 2D Echo is the official result we are waiting for,” pahayag ni Bayani sa mga reporter sa isang chance interview sa Camp Crame.
Ayon kay Bayani, hindi pa malinaw kung gaano katagal mananatili si Marcoleta sa PNP General Hospital dahil patuloy na nagbabago-bago ang kaniyang blood pressure at kailangan pang bantayan ang kaniyang kondisyon, lalo na’t 72-anyos na siya.
Sinabi pa niya na kapag kumpleto na ang laboratory at medical test results, hihintayin nila ang rekomendasyon ng rehabilitation doctors kung kailangan pa ni Marcoleta ng karagdagang gamutan.
“So far, I haven’t talked to the rehab doctor, I was referred to him yesterday. The rehab is still under assessment so I’ll just talk to him. Sa totoo lang wala po akong masabi sa ngayon, nag-aantay pa po tayo ng mga laboratories, mga further exams pala sa kanya and further assessment (Honestly, I can’t say anything right now, we’re still waiting for laboratories, further examinations on him, and further assessment),” dagdag niya.
Ayon kay Bayani, ang Sandiganbayan ang magtatakda ng susunod na hakbang para kay Marcoleta matapos makumpleto ang kaniyang medical assessment. Nauna na rin aniyang nagsumite ang PNPGH ng initial medical report sa anti-graft court matapos maglabas ng arrest warrant laban sa senador kaugnay ng kasong plunder.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region Col. John Guiagui na naihatid na ang arrest warrant na inilabas ng Sandiganbayan laban kina Marcoleta at former Rep. Mike Defensor kaugnay ng paglabag sa Presidential Decree 46, kung saan itinakda ang piyansa sa PHP30,000 bawat isa.
“It (PD 46) is a law that makes it a criminal offense for government officials and employees to receive and for private individuals to give gifts on any occasion. Ito yung pagtanggap, pagbigay sa anumang okasyon sa isang government official and/or employee; ito yung PD 46. Ito yung sinasabi ng 4th Division na nalabag nina Sen. Marcoleta and Michael Defensor (give on any occasion to a government official and/or employee; this is PD 46. This is what the 4th Division says Sen. Marcoleta and Michael Defensor violated). It (arrest warrant) was already served by the sheriff ng (of) Sandiganbayan,” ani Guiagui.
Gayunman, mananatili pa ring nakakulong sina Defensor at Marcoleta dahil sa hiwalay na non-bailable plunder case na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y undeclared campaign donations.
Kinumpirma rin ng PNP nitong Huwebes na natanggap na nito ang commitment order para kay Marcoleta mula sa Sandiganbayan.
“The PNP confirms that a Commitment Order was issued by the Sandiganbayan placing Senator Marcoleta under the custody of the PNP CIDG pending trial and until further orders from the court,” ayon sa pahayag ng PNP.
Ang CIDG ang nagsilbi ng arrest warrant laban kay Marcoleta noong Hulyo 6 matapos itong ilabas ng Sandiganbayan Third Division.
Bumisita naman si Senator Robin Padilla kay Marcoleta sa PNPGH nitong Huwebes, habang binisita rin siya ni Vice President Sara Duterte noong Hulyo 7, isang araw matapos siyang maaresto. Ayon kay Guiagui, ang immediate family members at mga abogado ni Marcoleta ang regular niyang mga bisita.
Una nang itinalaga ng Sandiganbayan ang PNP-CIDG bilang custodian ni Marcoleta. Santi Celario