MANILA, Philippines – Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng police commanders sa bansa na agad magsagawa ng post-typhoon assessment sa kanilang mga nasasakupan upang matukoy ang lawak ng pinsalang dulot ng Bagyong Inday at mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay Nartatez, mahalaga ang agarang assessment upang makabuo ng angkop na disaster response at management plans, lalo na sa mga lugar na labis na naapektuhan ng malakas na ulan at hangin.
“Every minute matters in emergency and disaster responses,” ani Nartatez. Aniya, inatasan niya ang lahat ng hepe ng pulisya na magsagawa agad ng assessment upang matukoy ang pinakamabisang paraan ng pagtulong sa mga naapektuhang mamamayan.
Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall ang Bagyong Inday, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang malawak nitong saklaw ay nagdulot ng malalakas na hangin at pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dahil dito, ilang local government units ang nagsuspinde ng klase bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Sinabi ni Nartatez na magsisilbing batayan ang resulta ng assessment sa pagtukoy kung saan dapat ituon ang mga relief at response operations.
Nauna nang nagpakilos ang PNP ng sapat na bilang ng mga tauhan at kagamitan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking handa ang mga ahensya ng pamahalaan sa epekto ng bagyo.
May mga disaster response teams na naipuwesto na rin sa mga lugar na nasa ilalim ng storm signals, habang isinailalim sa heightened alert status ang lahat ng police units upang mapalakas ang kanilang kakayahang tumugon sa mga emergency.
Bukod sa paghahanda laban sa bagyo, inatasan din ang mga pulis sa Negros Island na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang tumulong sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala ang Kanlaon ng moderately explosive eruption noong Huwebes na nagdulot ng ashfall sa ilang bahagi ng Cebu. Nananatili itong nasa Alert Level 2, na nangangahulugang may katamtamang antas ng pag-aalboroto ang bulkan. RNT/JGC