Home HOME BANNER STORY Pagkaospital ng mga politikong may warrant pinuna ni Lacson: ‘’Bakit nagkakasakit?’

Pagkaospital ng mga politikong may warrant pinuna ni Lacson: ‘’Bakit nagkakasakit?’

2
0

MANILA, Philippines – Pinuna ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado ang paulit-ulit na pattern ng pagka-ospital ng mga kilalang personalidad na pinapatawan ng contempt ng Senado o nahaharap sa pag-aresto dahil sa mga kasong kriminal.

Ani Lacson, muli itong nakita sa kaso nina dating Public Works Sec. Manuel Bonoan at Sen. Rodante Marcoleta, na kapwa nahaharap sa mga kasong plunder at graft sa Sandiganbayan at naka-confine sa Philippine National Police General Hospital (PNP-GH).

“Since time immemorial, ganyan lagi nangyayari kapag may pina-contempt kami sa Senado ang bagsak lagi sa ospital. Kapag meron naaresto ang bagsak sa hospital, naglalabasan ang sakit once na lumalabas ang warrant. Si Sec. Bonoan nung na-arresto, deretso sa hospital, ang nakaraan ding mga pangyayari nakakakita tayo na kapag ang tao hindi pangkaraniwan, sa halip na sa pangkaraniwang kulungan napipiit ang takbo sa hospital. So parang nasabi ko lang na parang nagiging pattern,” aniya sa panayam sa DZMM.

“This is the pattern that many ordinary Filipinos have brought to my attention, hence my recent post on X last July 8,” dagdag niya.

Nitong Miyerkules ng gabi, nagpost si Lacson sa X ng: “WARNING: Bawal magkasakit. Mahal ang gamot. Bawal magka-‘warrant’. Baka magkasakit.”

“May pulmonya, may mataas ang blood pressure, mataas ang cholesterol, kung ano-ano masakit. Nagkakaroon ng brace sa leeg, tapos masakit ang likod. Ang sakit naglalabasan. Parang kasabay ng paglabas ng arrest warrant, lumalabas ang sakit,” aniya.

Kasabay nito, nagtanong din si Lacson kung sino ang sasagot sa gastusin sa pananatili nina Bonoan at Marcoleta sa PNP-GH, kung saan kapwa sila naka-confine habang nahaharap sa mga kaso sa Sandiganbayan.

Giit niya, ang PNPGH ay pangunahing inilalaan para sa mga miyembro ng PNP at kanilang mga dependent, na ang ilan ay napaulat na hindi natatanggap sa ospital sa kabila ng pagiging kuwalipikado sa mga serbisyo nito.

Diin ni Lacson, na nagsilbing Chief PNP mula 1999 hanggang 2001, na balak niyang ihain ang isyung ito sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng PNP at Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Isang issue diyan, ang PNP-GH may sariling pondo. Ang authorized diyan ma-confine, ang pagkaalam ko kasi dating Chief PNP ako, mismong member ng PNP o dependent. Pero sino ang magsho-shoulder ng gamot at ward o ng kwarto (ni Bonoan at Marcoleta)? Ang pagkaalam ko, hindi naman dependent si Bonoan, hindi dependent ng PNP si Sen. Marcoleta,” aniya.

“At may PNP member na nade-deny ng space sa PNP-GH. Minsan din nabibigyan ng kwarto pero bakit ang hindi dependent nandoon, sino gumastos doon?” dagdag niya.

Tinukoy rin ni Lacson na ang yumaong dating Sen. Juan Ponce Enrile ay na-confine rin noon sa PNP-GH habang nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa Napoles pork barrel scam noong dekada 2010.

Gayunman, sinabi niyang nagsilbi si Enrile bilang kalihim ng tanggulang pambansa, at dating bahagi ng defense establishment ang PNP noong ito ay Philippine Constabulary pa.

Sinabi niyang balak niyang humingi ng paglilinaw mula sa PNP at DILG sa sandaling magsimula ang pagtalakay sa panukalang pambansang budget para sa 2027.

“Gusto kong i-raise ito pag nagkaroon ng budget deliberation for 2027 ng DILG at PNP. Itatanong ko ito. Sino authorized lang na ma confine at sino nag-shoulder ng expenses sa PNP-GH pag di dependent ng PNP naka-confine?” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here