MANILA, Philippines – Nasa P1.2 milyong halaga ang umano’y natangay ng isang lalaking nagpanggap na supplier ng Beyblade (Battle Tops) makaraan umanong lokohin ang apat na Taiwanese national sa isang transaksyon sa Brgy. Inocencio, Trece Martires City.
Ayon sa report ng pulisya, bandang 8:50 ng gabi naganap ang insidente sa harap ng Steeltech sa Km. 49 Indang Road ng nasabing lungsod.
Base sa imbestigasyon, bumiyahe pa mula Maynila ang apat na biktima matapos makipagkasundo sa suspek na ipinakilala umano ng kanilang kaibigan sa Taiwan upang bumili ng malaking halaga ng Beyblade.
Napag-alaman na pagdating sa lugar, sinabi ng suspek na kinilalang si alyas “Adrian” na nakatago umano ang mga produkto sa isang kumpanya na katabi ng Steeltech.
Dahil sa tiwala ng mga biktima, ibinigay nila ang kabuuang ₱1,200,000 bilang bayad sa nasabing bayblade.
Matapos matanggap ang pera, pumunta na umano ang suspek patungo sa direksyon ng Steeltech subalit umabot na sa isang oras na paghihintay ng mga biktima hindi na nagpakita ang suspek at hindi na rin ito makontak.
Nabatid na residente umano ng Las Piñas City ang suspek, subalit patuloy pang imaalam ng mga awtoridad ang kanyang tunay na pagkakakilanlan at kinaroroonan nito.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para sa agarang ikadarakip ng suspek. MARGIE BAUTISTA