Home OPINION LAGI SANANG BUMAHA

LAGI SANANG BUMAHA

2
0

DATI kapag may parating na bagyo ay napakaraming nagdarasal na huwag sana itong maging malala at magresulta ng malawakang pagbaha sa kanilang mga lugar.

Pambihira nga naman kasi kapag may pagbaha. Lubog ang mga kalsada, sa mga probinsiya ay nawawasak ang mga pananim ng mga magsasaka, pinapasok ng tubig ang mga bahay kaya nawasak kasama ang mga gamit.

Sa mga lungsod, lumulubog at inaanod ang mga sasakyan, hirap sa pagpasok ang mga mag-aaral at karaniwang trabahador, gayundin maraming negosyo na sarado. Samakatuwid ang baha ay sobrang perwisyo.

Noon iyon. Maraming ayaw sa sobrang ulan at pagbaha. Ngayon, tila mas marami na yata ang nagdarasal na sana ay palaging umulan at bumaha, lalo sa Metro Manila kung saan mas malakas ang mga negosyo at kung nasaan ang mga pangunahing ahensya ng pamahalaan.

Ganito na ba ang mga tao? Ipinagdarasal pa na magbaha gayong marami tayong mga kababayan na napeperwisyo ang kabuhayan at nawawalan ng mahal sa buhay dahil sa pagkalunod at pagguho ng putik. Ang sama hindi ba?

Pero masisisi ba natin sila? Ang mga kababayan nating sobra na ang pagkadesperado na magising na sana at magbago ang mga tauhan ng gobyerno na silang puno’t dulo ng mga trahedyang ito?

Masisisi ba natin sila kung magdasal na magkaroon ng malawak na baha, tulad ng panahon ni Noah sa Bibliya upang malunod at magkandamatay na rin ang mga nandambong sa pera ng bayan para sana sa mga proyektong pagkontrol sa baha?

Tingnan n’yo, matapos ang maraming buwan na nagdaan ay wala pa ring nangyayari sa nasimulang imbestigasyon ng Senado sa flood control scandal. Ang malalaking isda o sinasabing mga utak ng kabulastugan ay patuloy na nakalalaya.

Ang mga nasa hawla ay mga butete at dilis lamang. At ang mga kinakasuhan at ipinakukulong ay iyong mga nagsisiwalat ng katotohanan sa anomalya. Puro pagtatakip sa katotohanan ang ginagawa ng mga magkakasabwat sa Kamara, Senado at Ehekutibo.

Kung ganyan lang ang palaging mangyayari, ay palagi na nga sanang magbaha at mamatay na sa pagkalunod ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here