Home OPINION MULTANG P.5B SA MOVE IT, SANA HINDI RIDERS MAGDUSA

MULTANG P.5B SA MOVE IT, SANA HINDI RIDERS MAGDUSA

4
0

SANA ay hindi makaaapekto sa hanapbuhay ng mga rider at serbisyo sa mga pasahero ang multang mahigit kalahating bilyong piso na ipinataw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa MOVE IT dahil sa paglabag sa itinakdang cap o limitasyon sa bilang ng mga rider.

Ito ang panalangin ng inyong lingkod kasama ang Lawyers for Commuters Safety and Protection bilang reaksyon sa desisyon ng LTFRB na pagmultahin ang MOVE IT dahil sa overboarding, o paglampas sa pinahihintulutang bilang ng mga rider, alinsunod sa Section 21 ng Republic Act No. 11659.

Batay sa desisyon, 17,746 lamang ang dapat na on-board rider ng kumpanya, ngunit sumobra ito ng 55,575 riders. Matagal nang inilutang ng LCSP ang usapin ng overboarding sa Technical Working Group ng pilot test ng motorcycle taxi na ngayo’y pinangangasiwaan na ng LTFRB.

Gayunman, may mga ligal na remedyo pang maaaring gamitin ang MOVE IT upang hindi maging pinal ang desisyon, kabilang ang paghahain ng motion for reconsideration.

Sa kabila nito, umaasa ang LCSP na mapangangalagaan ang hanapbuhay ng mahigit 55,000 sobrang rider at ang serbisyo para sa libo-libong pasaherong tumatangkilik sa motorcycle taxi. Hindi dapat ang mga manggagawa at commuter ang magdusa dahil sa paglabag ng kumpanyang kanilang inaasahan.

Para sa LCSP, hindi dapat matapos sa pagpapataw ng multa ang usapin. Kailangang pag-aralan ng LTFRB ang mga repormang kailangan sa industriya, kabilang ang pagtatakda ng industry cap sa halip na magkakahiwalay na paglalaan ng limitasyon sa mga accredited na kumpanya.

Hindi rin itinuturing ng LCSP na labis ang parusa, dahil nasa diskresyon ng LTFRB ang pagpapataw ng multang mula ₱5,000 hanggang ₱2 milyon kada paglabag.

Maaari ring maparusahan ang iba pang motorcycle taxi company kung mapatutunayang lumabag din ang mga ito sa kani-kanilang cap.

Mahalaga ang pagpapatupad ng batas, ngunit dapat ding tiyaking patas ang regulasyon at hindi napapabayaan ang kabuhayan ng mga rider at pangangailangan ng mga pasahero.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here