Home ENTERTAINMENT SB19, Ben&Ben, Skusta Clee atbp, pinagsama ng OPM Con Generations sa Big...

SB19, Ben&Ben, Skusta Clee atbp, pinagsama ng OPM Con Generations sa Big Dome!

2
0
Screenshot

Manila, Philippines – Sa harap ng nag-uumapaw na manonood sa Big Dome, muling itinampok ng Puregold OPM Con Generations 2026 ang pinakamalaki at pinakamasiglang pagdiriwang ng Original Pilipino Music (OPM), tampok ang ilan sa pinakamahuhusay at pinakasikat na pangalan sa industriya ng musika sa bansa.

Idinaos kamakailan sa Smart Araneta Coliseum, muling pinabilib ng OPM Con ang mga tagasuporta’t manonood sa pambihirang pagtatanghal ng pinagsama-samang pinakamahuhusay na artistang OPM.

Labis-labis ang pananabik ng publiko kung saan ay naubos pa ang lahat ng tiket sa loob lamang ng dalawang araw.

Pinagsama ng Puregold OPM Con Generations 2026 ang mga haligi ng OPM at ang mga umuusbong na artista sa iisang entablado.

Sa harap ng libo-libong tagahanga na dumagsa sa Big Dome, nagsilbing pagpupugay ang OPM Con sa mga musikero, awitin, at komunidad na patuloy na humuhubog sa OPM sa iba’t ibang henerasyon.

“Matagal nang tahanan ang Big Dome ng ilan sa mga pinakatanyag na OPM artists at hindi malilimutang pagtatanghal. Kaya naman napakalaking karangalan para sa Puregold na makita itong muling mapuno dahil sa pagmamahal ng mga Pilipino sa sariling musika,” ani ni Ivy Hayagan-Piedad, Senior Marketing Manager ng Puregold Price Club Inc. “May natatanging kakayahan ang OPM na pag-isahin ang iba’t ibang henerasyon. Lubos kaming nagpapasalamat sa mga artista, tagahanga, komunidad, katrabaho, at sa lahat ng tumulong upang maisakatuparan ang makasaysayang pagdiriwang na ito para sa OPM.”

Pinangunahan ng SB19, Ben&Ben, Alamat, Flow G, Skusta Clee, SunKissed Lola, G22, KAIA, at XONARA ang konsiyerto, na nagpakita ng lawak at husay ng makabagong OPM. Mula P-pop, folk-pop, at alternative music hanggang hip-hop at contemporary pop, ipinamalas ng mga nagtanghal ang iba’t ibang tunog at estilo na sumasalamin sa kasiglahan ng industriya ng musikang Pilipino sa kasalukuyan.

Ramdam din sa buong gabi ang diwang-komunidad na tatak na ng OPM Con.

Nagtipon-tipon ang mga pamilya, magkakaibigan, at iba’t ibang fandom sa ilalim ng iisang bubong, pinag-isa ng pagmamahal sa musikang Pilipino anuman ang genre o henerasyong kinabibilangan.

Mula sa unang pagtatanghal hanggang sa huling encore, hindi humupa ang enerhiya ng mga manonood sa kanilang malalakas na hiyawan, sabayang pag-awit, at walang sawang palakpakan.

Higit pa sa mga pagtatanghal, patunay rin ang makasaysayang konsiyerto sa patuloy na lumalakas na suporta ng mga Pilipino sa sariling musika at sa mga artistang nagbibigay-buhay rito.

Ipinakita ng napakalaking bilang ng mga dumalo ang pagtanggap ng publiko sa OPM Con ngayong taon, at muling pinagtibay ang mahalagang gampanin ng OPM sa kulturang Pilipino at sa puso ng mga tagahangang patuloy na sumusuporta rito.

Sa tatlong matagumpay na edisyon nito, patuloy na lumalago ang Puregold OPM Con kasabay ng industriya ng musikang Pilipinong buong pagmamalaki nitong sinusuportahan.

Sa paglipas ng mga taon, isa na ito sa mga pangunahing platapormang nag-uugnay sa mga musikero, tagahanga, at mga nagmamahal ng musika. Habang patuloy na umuunlad ang musikang Pilipino, nananatiling nakatuon ang Puregold sa paglikha ng mga karanasang nagpapatibay sa ugnayang ito. JP Ignacio

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here