Home NATIONWIDE ‘Fishing expedition’ claim ng defense panel ibinasura na ng SC ruling –...

‘Fishing expedition’ claim ng defense panel ibinasura na ng SC ruling – Diokno

1
0

MANILA, Philippines – Binatikos ni House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno ang paulit-ulit na depensa ng kampo ni Vice President Sara Duterte na “fishing expedition” ang paghingi ng prosecution ng subpoena para sa bank records, tax documents, at Anti-Money Laundering Council reports.

Ayon kay Diokno, may umiiral nang desisyon ang Korte Suprema na direktang sumasagot sa naturang argumento, ang 2022 ruling sa kasong Republic v. Rabusa, na may kinalaman din sa unexplained wealth at request para sa bank records.

Sa nasabing kaso, hiniling ng gobyerno na mabawi ang di-maipaliwanag na yaman umano ni dating military comptroller George Rabusa, at kinuwestiyon din noon ang paggamit ng subpoena bilang “fishing expedition.” Ngunit iniutos ng Korte Suprema sa trial court na isaalang-alang ang ebidensyang nakuha mula sa pinag-uusapang mga bank account.

Idiniin ni Diokno na malinaw sa desisyon ng Korte Suprema na ang mga kasong may kinalaman sa unexplained wealth ay kabilang sa mga exception sa Republic Act 1405 o ang bank secrecy law, kaya hindi maituturing na basta-bastang paghahalungkat ng ebidensya ang paghingi ng subpoena laban sa mag-asawang Duterte.

Sa rebuttal sa oral argument sa impeachment trial binatikos din ni Diokno ang paratang na paglabag sa due process ang pag-isyu ng subpoena.

Aniya, wala pang ebidensyang ipinipresenta o ini-offer sa Impeachment Court kaya wala ring dapat ikatakot ang depensa.

“Nandito pa lang po tayo sa punto na kung maaari bang ipa-produce natin itong mga dokumentong ito. Ang defense will have every opportunity to make objections, if and when, particular exhibits or documents are identified by a witness and offered in evidence. Therefore, wala pong due process violation ang pag-issue ng subpoena,” ani Diokno.

Ang mga hinihinging dokumento ay konektado sa alegasyon ng prosecution na nagkamal ng di-maipaliwanag na yaman si VP Duterte na hindi angkop sa kanyang legal na kita at hindi nakapaloob sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Idinagdag pa ni Diokno na hindi dapat basta gamitin ang confidentiality laws upang pigilan ang mga senator judges na makakuha ng mga rekord na maaaring magpatunay o magpabulaan sa mga alegasyon.

“Confidentiality, Your Honor, should not be the prevailing principle in this proceeding. Hindi po confidential ang katotohanan,” pagtatapos pa ni Diokno. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here