Home NATIONWIDE Mga ahensya, pabor sa mas simpleng pagpaparehistro ng mga ambulant vendor

Mga ahensya, pabor sa mas simpleng pagpaparehistro ng mga ambulant vendor

3
0

MANILA, Philippines – Sumuporta ang ilang ahensya ng pamahalaan sa mas simple at mas flexible na pagpaparehistro ng mga ambulant vendor upang matulungan silang maging bahagi ng pormal na ekonomiya habang pinananatili ang kaligtasan ng mamimili, kalinisan, at kaayusan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development na pinamunuan ni Senador Erwin Tulfo, tinalakay ang Senate Bills 1099 at 1221 na naglalayong magtatag ng Magna Carta for Informal Ambulant Vendors.

Layunin ng mga panukala nina Senate President Sherwin Gatchalian at Senador Camille Villar na protektahan ang karapatan ng mga vendor sa kabuhayan, makataong kondisyon sa pagtatrabaho, social protection, seguridad sa trabaho, at access sa hustisya.

Ayon kay DOLE Assistant Secretary Julie Ann Chang-Lim, makatutulong ang pagpaparehistro upang maging legal ang kabuhayan ng mga vendor at magkaroon sila ng access sa tulong ng pamahalaan. Gayunman, nagbabala siya na ang masyadong mahigpit na proseso ay maaaring makadiscourage sa mga vendor na magparehistro.

Inirekomenda rin ng DOLE ang isang portable at iisang registration system na kikilalanin ng iba’t ibang local government units (LGUs), dahil may mga vendor na nagtitinda sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad.

Pabor naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mas pinasimple at may insentibong pagpaparehistro sa ilalim ng “managed formalization.”

“The objective is not to perpetuate informal vending, nor to rely solely on punitive enforcement,” ani DTI Coordinating and Policy Chief Director Cynthia Dela Cruz.

Sinabi rin ng DSWD na dapat mabigyan ang mga vendor ng access sa social protection, healthcare, livelihood assistance, at maayos na lugar para sa pagtitinda.

Ayon naman sa DILG, mahalaga ang regulasyon upang maprotektahan ang mga vendor at mamimili habang napapanatili ang kaayusan sa mga kalsada at bangketa.

Iginiit ni Tulfo na hindi magiging epektibo ang livelihood assistance ng gobyerno kung napakarami pa ring permit, bayarin, at requirements ang kailangang asikasuhin ng mga vendor.

“Ang problema po kasi, ang daming requirement. Pag hindi nakasunod, illegal vendor na,” ani Tulfo.

Nakasaad din sa mga panukala ang pagbuo ng local inter-agency councils na mangangasiwa sa pagpaparehistro, social protection, livelihood assistance, pagtatalaga ng mga vending area, at pagpapatupad ng mga regulasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here