MANILA, Philippines – Sinabi ng dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner na si Kim Henares na kailangan munang pahintulutan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglabas ng tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa bago ito magamit sa impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Henares, nakasaad sa Section 71 ng National Internal Revenue Code na maaari lamang siyasatin ang tax records kapag may utos ang Pangulo.
“Kung i-subpoena ng Senado ang BIR commissioner, siya ang hihingi ng authority [sa presidente]. Kasi yun yung pinakamaliwanag na step,” ani Henares.
Inalala rin niya na sa impeachment trial ng dating Chief Justice Renato Corona, nakapaglabas ang BIR ng tax records matapos siyang humingi ng pahintulot kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Sa kasalukuyan, hinihiling ng mga prosecutor sa Senado na maipatawag ang mga bank records, tax records, at mga dokumento ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawa bilang ebidensya sa Article II ng Articles of Impeachment.
Inaakusahan sa Article II si Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil umano sa hindi maipaliwanag na yaman, hindi kumpletong deklarasyon ng ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), at patuloy na pagkakaroon ng interes sa negosyo habang bise presidente.
Samantala, sinabi ng abogado ni Duterte na si Michael Poa na dapat munang suriin ng mga senator-judges kung may kaugnayan ang mga hinihinging dokumento sa kaso.
“That is not how due process works. Hindi po natin dapat pinapayagan ‘yan,” aniya.
“When a subpoena becomes oppressive, when it is unreasonable and when it is merely issued for the very purpose that there is a hope that somewhere, somehow, something incriminating will come out, it ceases to be an instrument of justice,” dagdag pa niya.
Mariin namang itinanggi ni Duterte ang lahat ng akusasyon at iginiit na ang mga ito ay walang basehan at may motibong pulitikal. RNT/MDS