MANILA, Philippines – Pinuri ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes ang University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) sa pagsasagawa at pagsusumite nito sa Sandiganbayan ng isang patas na medikal na pagsusuri kay Sen. Rodante Marcoleta.
Iniutos ng Sandiganbayan ang hiwalay na medikal na pagsusuri kay Marcoleta sa PGH upang matukoy kung kinakailangan pa siyang manatiling naka-confine sa Philippine National Police General Hospital (PNP-GH).
Matapos makita sa resulta ng pagsusuri ng PGH na wala nang kondisyong medikal na nangangailangan ng patuloy na pananatili ni Marcoleta sa ospital, iniutos ng anti-graft court ang kanyang paglilipat sa bagong Quezon City Jail sa Barangay Payatas.
“It’s a MIRACLE! Naka wheelchair pumasok, brisk walk lumabas. Kudos to UP-PGH for putting professionalism and integrity above all other considerations in submitting their medical report to the Sandiganbayan,” ani Lacson sa X, sabay punto na nakalakad palabas ng Sandiganbayan si Marcoleta noong Miyerkules.
Inaresto si Marcoleta noong Hulyo 6 dahil sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y P75-milyong “donation” na natanggap niya noong siya ay kongresista pa ngunit hindi niya idineklara.
Dinala siya sa PNP-GH, kung saan sinabi ng mga doktor doon na may mild pneumonia siya at iba pang karamdaman – ngunit sa kabila nito ay napaulat na nakatanggap pa rin siya ng mga bisita, kabilang sina Vice President Sara Duterte at Sen. Robinhood Padilla.
Nauna nang binatikos ni Lacson ang aniya’y paulit-ulit na pattern ng pagpapaospital ng ilang kilalang personalidad na nasasangkot sa mga kasong kriminal o pinapatawan ng contempt ng Senado.
Binanggit niya na sina dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at Marcoleta, na kapwa nahaharap sa mga kasong plunder at graft sa Sandiganbayan, ay na-confine sa PNP-GH.
Si Lacson, na naging hepe ng Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001, ay nagtanong din kung sino ang sasagot sa gastos sa pananatili nina Bonoan at Marcoleta sa PNP-GH, na aniya’y pangunahing nakalaan para sa mga tauhan ng PNP at kanilang mga dependent. Aniya, may mga ulat na may ilang benepisyaryo ng ospital ang hindi natatanggap kahit sila ay may karapatang mapaglingkuran nito.
Sinabi niyang balak niyang ilahad ang usaping ito sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng Philippine National Police (PNP) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Ernie Reyes