MANILA, Philippines – Umapela ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Office of the Ombudsman upang baligtarin ang desisyong nagbasura sa kasong graft at malversation of public funds laban kay dating OWWA Administrator Arnell Ignacio at iba pang sangkot sa umano’y iregularidad sa pagbili ng ₱1.4 bilyong ari-arian.
Ayon sa DMW, mali umano ang naging pagsusuri ng Ombudsman sa ebidensya at hindi nito isinama ang kabuuang pangyayari na nagpapakita ng posibleng pananagutan ng mga respondent.
Sinabi ng DMW na ayon sa Landbank, ang halaga ng biniling ari-arian ay ₱1.218 bilyon lamang. Ngunit isinama umano kalaunan ang isang lupang dati nang hindi kasama sa appraisal, kaya umabot sa ₱1.416 bilyon ang presyo at nagkaroon ng umano’y dobleng valuation na nagkakahalaga ng ₱198 milyon.
Binanggit din ng ahensya na may 51 condominium units na nagkakahalaga ng ₱97 milyon na kasama sa bentahan ngunit hindi na natagpuan nang inspeksyunin ang lugar. Sa halip, isang bakanteng lote at backhoe ang nakita sa nasabing lugar.
Ayon sa DMW, ang mga pangyayaring ito ay maaaring paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at maaaring magdulot ng pananagutan sa malversation dahil sa umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno.
Bagama’t ibinasura ang ibang kaso, sinampahan pa rin si Ignacio ng kasong usurpation of official functions dahil umano sa pag-akto nang walang awtoridad mula sa OWWA Board of Trustees kaugnay ng naturang transaksyon.
Si Ignacio ay sinibak bilang OWWA administrator noong 2025 dahil sa kontrobersyal na pagbili ng ari-arian. RNT/MDS