MANILA, Philippines – Mas dumami ang bilang ng mga senior citizen sa Pilipinas, ayon sa resulta ng 2024 Census of Population (POPCEN).
Lumabas sa census na umabot sa 112.33 milyon ang kabuuang populasyon ng bansa. Sa bilang na ito, 10.2 porsiyento o isa sa bawat sampung Pilipino ay senior citizen. Mas mataas ito kumpara noong 2020, kung saan 8.5 porsiyento lamang ang mga nakatatanda.
Ayon sa POPCEN, ipinapakita nito na patuloy na tumatanda ang populasyon ng bansa. Tumaas din ang median age ng mga Pilipino mula 25.3 taon noong 2020 sa 27.7 taon noong 2024.
Samantala, umabot sa 42.10 milyon o 37.5 porsiyento ng populasyon ang mga nasa edad 5 hanggang 24, o mga nasa school age. Mas mababa ito kaysa sa naitala noong 2020.
Ipinakita rin ng census na mas marami ang kalalakihan kaysa kababaihan sa kabuuang populasyon, na may 56.68 milyong lalaki at 55.65 milyong babae.
Mas marami ang mga lalaki sa edad 0 hanggang 54, habang mas marami naman ang kababaihan sa edad 55 pataas. Ayon sa census, mas mahaba ang karaniwang buhay ng mga babae kaya sila ang mas marami sa matatandang edad. RNT/MDS