MANILA, Philippines – Sisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na linggo ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng pinalawak na Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport (UPLIFT) program.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, aabot sa 7.5 milyong mahihirap, near-poor, at low-income na pamilya sa buong bansa ang makikinabang sa programa. Layunin nitong matulungan ang mga pamilya na makayanan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at ng idineklarang energy emergency.
Tatlong grupo ang makatatanggap ng ayuda:
–3.5 milyong benepisyaryo ng 4Ps at Walang Gutom Program (WGP);
–2.5 milyong mahihirap at near-poor na pamilya na nasa listahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS);
–1.5 milyong low-income na miyembro ng Social Security System (SSS).
Ang mga benepisyaryo ng 4Ps at WGP ay tatanggap ng isang beses na ₱2,000. Samantala, ang mga kwalipikadong pamilya sa CBMS at mga miyembro ng SSS ay makatatanggap ng ₱2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.
Ayon kay Gatchalian, agad na maikakarga ang ayuda ng 4Ps sa kanilang LandBank o GCash accounts. Ang mga benepisyaryo ng WGP naman ay makatatanggap ng ayuda sa kanilang nakatakdang food redemption.
Para sa mga benepisyaryo ng CBMS, magsisimula muna ang manual payout upang ma-verify ang kanilang pagkakakilanlan at mairehistro ang kanilang digital payment accounts bago lumipat sa digital na pagbabayad.
Iginiit din ni Gatchalian na ang listahan ng mga benepisyaryo ay mula lamang sa PSA at walang naging pakikialam ang sinumang opisyal sa pagpili ng mga tatanggap.
Ipinaliwanag din niya na isinama ang mga near-poor dahil sila ang isa sa mga pinakaapektado kapag may krisis o biglaang pagtaas ng gastusin.
Ayon sa DSWD, layunin ng pinalawak na UPLIFT program na mapigilan ang humigit-kumulang 1.2 milyong Pilipino na tuluyang mahulog sa kahirapan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin. RNT/MDS