THE HAGUE, Netherlands – Muling iginiit ng International Criminal Court (ICC) at ng human rights group na CenterLaw Philippines ang kahalagahan ng pandaigdigang hustisya sa paggunita ng International Criminal Justice Day noong Hulyo 17.
Ayon kay ICC President Judge Tomoko Akane, mahalagang mapanatiling malaya at walang impluwensiyang pulitikal ang mga internasyonal na hukuman upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng mabibigat na krimen tulad ng genocide, crimes against humanity, war crimes, at crime of aggression.
Sinabi ni Akane na patuloy na dumarami ang mga kasong hinahawakan ng ICC at nananatiling mahalaga ang papel nito sa paglaban sa impunity at pananagutin ang mga responsable sa pinakamabibigat na krimen sa ilalim ng internasyonal na batas.
Samantala, muling nagpahayag ng suporta ang CenterLaw Philippines sa ICC. Ayon kay Executive Director Atty. Gilbert Andres, na siya ring kinatawan ng mga biktima sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC, hindi dapat pahinain ng mga presyur sa pulitika o pag-atras ng ilang bansa sa Rome Statute ang mandato ng korte.
Binigyang-diin ng CenterLaw na mahalaga ang ICC sa pagbibigay ng hustisya sa mga biktima kapag hindi kayang o ayaw umanong magsagawa ng tunay na imbestigasyon ng mga lokal na awtoridad.
Naging miyembro ang Pilipinas ng Rome Statute noong 2011 ngunit pormal na umatras noong 2019 sa ilalim ng administrasyong Duterte. Gayunman, nananatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga kasong isinampa kaugnay ng mga pangyayaring naganap habang miyembro pa ang bansa sa kasunduan. RNT/MDS