MANILA, Philippines – Binatikos ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Senador Erwin Tulfo matapos nitong sabihing dapat “relax lang” kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa isang livestream, sinabi ni Cayetano na ito ang pinakamalaking iskandalo ng korapsyon sa kasaysayan ng bansa dahil umano’y trilyong piso ang sangkot.
Nauna rito, sinabi ni Tulfo na ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa flood control projects at hinikayat si Cayetano na maghintay.
Iginiit naman ni Cayetano na ang mga Pilipino ang humihingi ng pananagutan at hindi siya ang hindi kalmado. Aniya, mula 2023 ay umaabot sa halos ₱1 trilyon kada taon ang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan malaking bahagi nito ang para sa flood control.
Sinabi rin ni Cayetano na hindi dapat sina Tulfo at Sen. Panfilo Lacson lamang ang mangasiwa sa imbestigasyon. Iginiit niyang dapat magkaroon ng patas na pagpili ng mga testigo at hindi umano dapat kontrolado kung sino ang iimbestigahan.
Nilinaw din niya na maaari namang magsagawa ng mga pagdinig tuwing Huwebes at Biyernes kahit may impeachment trial sa Senado.
Sa huli, hinamon ni Cayetano si Tulfo na siya mismo ang humarap sa pagdinig, dahil aniya ay marami rin itong dapat ipaliwanag. RNT/MDS