MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Limang katao, kabilang ang dalawang sundalo, ang nasugatan matapos hagisan ng granada ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang isang military truck sa Barangay Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa Police Regional Office–BARMM, sakay ng military KM truck ang mga sundalo at patungo sana sa Isulan, Sultan Kudarat nang ihagis ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang granada bandang 6:25 a.m. Agad na tumakas ang mga suspek.
Nangyari ang pagsabog malapit sa welcome rotunda at isang grand mosque, sa ikatlong araw ng election gun ban para sa Bangsamoro parliamentary elections sa Setyembre 14.
Agad na rumesponde ang pulisya, mga bumbero, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at dinala ang mga sugatan sa Bangsamoro Regional Medical Center.
Nangyari ang insidente may 50 metro lamang mula sa lugar kung saan inatake noong Enero 25 ang bulletproof vehicle ni Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan gamit ang rocket-propelled grenade. Nakaligtas noon ang alkalde habang dalawang escort niya ang bahagyang nasugatan.
Patuloy ang imbestigasyon at operasyon ng pulisya at militar upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa pag-atake. RNT/MDS